Default Thumbnail

Saan tayo patutungo?

August 30, 2021 Joey C. Papa 449 views

JoeyBANGAYAN ng bangayan sa pulitika samantalang limang daan na lang na kaso malapit na sa 20K ang covid cases sa bansa.

Tila di na nga iniintindi ang mga health protocol. Panay ang pulong ng mga pulitiko at hindi malaman kung sila ay kabilang na sa mga super spreader ng covid 19.

Ilang ulit kong nakita sa telebisyon ang pagpupulong ng PDP-Laban. Maraming tao at isang malaking bulwagan ang kanilang ginamit.

Ang tanong ng isang guro, “makatutulong ba ang bangayan at pormahan sa pagsugpo ng covid 19?”

“Pulitika, pulitika sa gitna ng pandemya,” sabi ng isang nanay. “Panay na nga ang mga lockdown di naman bumababa ang kaso ng covid 19! Tapos next year gagamitin na naman kami sa eleksyon! Nakakatakot ako hindi sa goons kundi sa covid! Ang daming taong boboto! Siksikan ‘yan!” pahabol ng guro.

Walang malinaw ngayon kundi ang patuloy na pagtaas ng kaso ng covid 19.

Ang lumilinaw lang ngayon ay pagsisiwalat ng Commision On Audit hinggil sa overpriced na medical supplies.

May mga tinukoy na mga tao sa mga pagdinig ng Senado kailan lang. Isang dating opisyal ng Department of Management ang ginisa sa pagdinig.

Akala ko noon ay inihayag na lang ng COA ang mga natuklasan nila sa media. Ngunit nalaman kong ang lahat ng nabasa at narinig ko sa balita ay nasa website pala ng COA.

Kahit sino ay puwedeng basahin ang website kahit taga-media o hindi. Bukas ito sa publiko.

Naging kontrobersyal ang pagpapahayag ni Pangulong Duterte na tatakbo siyang pangalawang pangulo sa eleksyong 2022. Napunta sa isyung ito ang usap-usapan.

Nakalimutan na ang kakulangan ng bakuna at ang pagtaas ng kasong covid.

Pinalawig ang MECQ sa NCR hanggang Setyembre 7 at hindi pa alam kung palalawigin pa ito pagkaraan ng a-siyete.

Marami nang galit. Mga negosyante, mga manggagawang regular at arawan ang sahod at karamihan sa mga Pilipino. Nagwalk-out na ang mga health care workers. Habang isinusulat ito ay napanood ko sa telebisyon ang paglabas ng mga health workers sa harap ng St Luke’s sa Hospital sa QC at sa UST Hospital din.

Hindi ko pa alam kung sino ang mga sumunod. Nagprotesta sila. Silang mga taong araw-araw na nakataya ang buhay sa paglilingkod sa mga pasyente.

Hindi ba nagbanta na rin ng mass resignation ang mga health care workers?
Kung mangyayari ito, saan na pupulutin ang mga pasyente?

Pagod na ang mga health workers at hindi pa rin nila natatanggap ang kanilang mga benepisyo.

Tapos maririnig nila na may kumita sa pagbili ng mga face mask, face shield, PPE at iba pa. At nagkakahalaga ito ng bilyong piso! Hindi lang ito libong piso! Pagkatapos nga naman ay “ tsatsaniin” ang karampot na benepisyo para sa mga health workers! Putakte naman!

Tila malapit nang sumabog ang bulkan.

AUTHOR PROFILE