
Sa kaarawan ni DILG Secretary Abalos, naghalo ang showbiz at politics




MULING naghalo ang mundo ng showbiz at pulitika nang magdaos ng kanyang 62nd birthday noong Biyernes, July 19, si DILG Secretary Benhur Abalos sa EDSA Shangri-La Hotel sa Mandaluyong.
Nanguna sa mga dumalo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kasama si First Lady Liza Araneta (at anak na si Ilocos Norte Cong. Sandro Marcos), House Speaker Ferdinand Martin Romualdez gayundin ang mga senador at congressman (na hindi na namin maisa-isa) at mga mayor (kagaya nina Quezon City Mayor Joy Belmonte, Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon, San Juan Mayor Francis Zamora at iba pa). Naroon din si dating Ilocos Sur governor Luis ‘Chavit’ Singson.
Sa showbiz (na may halong politics), namataan namin doon sina Heart Evangelista kasama siyempre si Senate President Chiz Escudero, Cong. Richard Gomez at misis na si Ormoc Mayor Lucy Torres, Sen. Loren Legarda, dating MTRCB chair at ngayo’y Pangasinan Representative Maria Rachel Arenas, actor-politician Jason Abalos, vlogger Will Ashley, Dra. Vicki Belo at Hayden Kho, IdeaFirst producer na si Perci Intalan, Quantum Films producer Atty. Joji V. Alonso at marami pang iba.
Dumaan din sa harap namin si Atty. Anette Gozon ng GMA Pictures, kasama ang Sparkle VP na si Joy Marcelo at ilang big boss ng ibang network.
Samantala, na-ambush interview namin si Direk Perci sa red carpet at hiningan namin ng reaction hinggil sa pagkakapasok ng kanilang IdeaFirst at Star Cinema collaboration project, ang ’And The Breadwinner Is…’ na pangungunahan nina Vice Ganda at Eugene Domingo sa first five entries ng 50th Metro Manila Film Festival ngayong taon gayundin ang pagsasabi ng Borracho Films producer na si Atty. Ferdinand Topacio na diumano’y ginaya lang nila ang kanilang pelikula sa old film ni Rogelio dela Rosa, ang ’Higit sa Lahat’ noong 1955.
Ani direk Perci, gusto niyang malaman kung nabasa ni Atty. Ferdie ang kabuuan ng kanilang script dahil sa launching ng 50th Metro Manila Film Festival sa Manila City Hall, synopsis pa lang ng pelikula ang binasa.
“May isang part lang na nagkapareho, but it’s not even something na masasabi mong copied because an insurance scam is an insurance scam. The fact na may tawag sa insurance scam means na it pre-exists before somebody put it in a work of fiction, ‘di ba? So, ‘yun lang naman actually ang pareho,” ani Direk Perci.
Dumalo si direk Perci sa kaarawan ng DILG Secretary dahil malaki ang naitulong ni Sec. Benhur para mailapit kay FL Liza ang mga problema ng film industry, pati ng mga movie producer tulad niya. Kaya bilang pasasalamat, dumalo siya sa kaarawan nito na ang highlight ay ang pagbibigay-commitment sa tatlo nitong foundation — ang CiaraMarie Foundation (bilang pagpaparangal sa kanyang anak na si Ciara Marie na namatay noong 2005 at nakalaan ito para sa pagpapatayo ng maraming eskuwelahan sa mga remote provinces at pagtugon sa mga pangangailangan ng mga batang may autism spectrum), Kwarto ni Neneng (na sanctuary para sa abused women, at children), at Bida (na naka-focus sa drug rehabilitation).
Karamihan sa mga dumalo ay sumuporta sa mga naturang foundations na pinangungunahan ng kanyang misis na si Mandaluyong Vice Mayor Carmelita ‘Menchie’ Abalos.
Nitong nakaraang May 30, lumabas sa high rating primetime series na ‘Black Rider’ si DILG Secretary Abalos as himself.