Lice

Sa 35th anniversary sa showbiz… Ice, tumatanaw ng malaking utang na loob sa ‘Eat Bulaga’ producer at kay Bossing Vic

September 10, 2022 Ian F. Fariñas 286 views

SA selebrasyon ng kanyang ika-35th anniversary sa show business, tinatanaw pa ring malaking utang na loob ni Ice Seguerra ang tiwala at suportang ibinigay sa kanya ng kanyang Eat Bulaga family, sa pangunguna ng producer nitong si Antonio Tuviera, TV host-comedian at Okay Ka, Fairy Ko/M-Zet producer na si Vic Sotto.

Isa-isa ngang binalikan ni Ice ang highs and lows ng buhay at karera niya sa isang intimate interview kasama ang Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) para sa kanyang Becoming Ice: The 35th Anniversary Concert na nakatakdang idaos sa October 15, 8 p.m., sa The Theater at Solaire.

Kwento niya, mula sa pagiging in demand na child star nu’ng kabataan niya hanggang sa unti-unting pagkawala ng mga proyekto nu’ng teenaged years, hindi kailanman nanlamig ang pagmamahal nina Mr. Tuviera at Bossing Vic sa kanya.

“Ito ‘yung (panahong) nagpupumilit akong mag- loveteam para magkaroon ng work. Ang trabaho ko noon, mga piyesta-piyesta. Kumbaga, ang show ko lang noon was Eat Bulaga and Okay Ka, Fairy Ko. So, talagang ang laki rin ng utang na loob ko noon kay Tito Vic, kela Mr. T. kasi they sustained me. If it weren’t for these two shows, kasi I have no movies then, alam mo ’yon? Wala akong movie. eh. Siyempre that time, ‘di ko pa alam na ‘ay, magiging singer pala ako.’ Kasi wala naman siya sa… alam mo ‘yun? Unang-una, ang boses ko… ‘di ko naman alam na magiging singer ako, eh,” anang certified OPM hitmaker.

Hanggang sa maging miyembro siya ng isang showband na tumutugtog sa isang bar sa may Aurora Boulevard habang patuloy na nagpi-perform tuwing Sabado kasama si Vic sa EB, tuwing Linggo sa ASAP at paminsan-minsan sa MAD (Martin After Dark), dating late-night show ni Martin Nievera.

Sa isa sa performances niya sa Aurora Blvd. nakipag-meet ang record producer ng Pagdating ng Panahon na si Margot Gallardo kasama ang EP na si MJ Mozo at Merlie Cipriano (dating mga taga-Vicor) para alukin siya na mag-record ng single na kalauna’y naging isang buong album.

Dito na nga nagsimula ang second wind sa career ni Ice. Umani ng gold at platinum record awards ang monstrous hit na Pagdating na Panahon na ang title track ay isinulat nina Edith Gallardo at Moy Ortiz.

At dahil live concert comeback of sorts din niya ang Becoming Ice after 10 years, mas pinili ng singer na kuning guests ang mga gaya nina Bossing Vic at Martin.

Paliwanag niya, “It has to be meaningful. My guests should have a deep connection to me. Hindi lang basta koneksyon, pero milestone sa buhay ko. Naging parte sila ng buhay ko.”

Lahat ng makakasama niya sa The Theater Solaire ay hindi lang magagaling at nakatrabaho ni Ice sa pagdaan ng panahon kundi nagkaroon ng impact sa buhay niya.

“They impacted my life in such a way that I was changed. So I want to celebrate that as well because that’s becoming Ice. I am who I am now because of these people who I look up to,” giit niya.

Bukod sa kanyang hits, marami pang dapat abangan ang concertgoers sa Becoming Ice gaya na lamang ng isang bagong awitin na ilu-launch ni Ice sa mismong show.

Si Ice mismo ang direktor ng Becoming Ice na prinodyus naman ng Fire and Ice Media and Productions, Inc. nila ni Liza katuwang ang Nathan Studios.

Si Ivan Lee Espinosa ang musical director.

Mabibili na ang tickets sa TicketWorld (P7,200, SSVIP; P6,100, SVIP; P5,000 VIP; P4,650.00, Gold; P3,350, Lower Box; at P2,250, Upper Box).

Ang “Meet and Greet Package” para sa SSVIP ticketholders ay may eksklusibong meet and greet kasama si Ice, personal selfie at eksklusibong Becoming Ice merchandise item, habang ang SVIP at VIP ticketholders naman ay may eksklusibong merchandise item.

AUTHOR PROFILE