
Ryza, nagpakatotoo sa isyu ng loyalty
HANGGANG ngayon ay inuusisa pa rin si Ryza Cenon tungkol sa tinatawag na “loyalty card” ilang taon matapos niyang iwan ang dating home network na GMA-7.
Kaya naman sa mediacon ng bago niyang comedy series sa Viva Entertainment at TV5 na Kurdapya, nagpakatotoo ang aktres sa ‘di mamatay-matay na isyu laban sa kanya.
Ani Ryza, “Ang mga artista same lang ‘yan ng mga nagtatrabaho, ng may trabaho, ‘di ba? Hindi porke’t lumipat ka ng ibang istasyon, wala ka nang loyalty. Siyempre meron din kaming mga pangangailangan, binabayarang bills, ganyan. So kung saan po may trabaho, doon kami. Kumbaga, kung saan may offer, doon din kami, ‘di ba? Pero hindi ibig sabihin nu’n, bigla ka na lang aalis.
Siyempre, magpapaalam ka nang maayos. So ‘yung time na lumipat po ako, nagpaalam ako nang maayos. Kinausap ko ho lahat doon sa taas, du’n sa dati ko pong network and then lumipat na po ako. So, sa ngayon actually, ‘di na dapat issue ‘yan, eh. Kasi ngayon, nagku-collab na lahat, eh, ng networks, ‘di ba? So dapat hindi na big deal sa kanila ‘yon. Sana suportahan na lang nila lahat ng ginagawa namin dito sa showbiz industry na kami, ano, eh, nagtutulung-tulong na kami para meron kaming maipalabas na maganda at maipakita kami na kaya rin namin ‘yung quality ng K-drama.”
Ginagampanan ni Ryza sa Kurdapya ang papel ng kontrabidang si Margie na sasabay sa pagku-comedy ng bidang si Yassi Pressman (bilang Kuring/Daphne) at Marco Gumabao.
Kasama rin sa twintastic comedy series na dinidirek ni Easy Ferrer sina Nikko Natividad, Katya Santos, Candy Pangilinan, Lander Vera Perez at marami pang iba.
Inspired ng popular classic na Kurdapya ni Pablo S. Gomez, napapanood ito tuwing Sabado, 6 p.m., sa TV at may catch-up episodes tuwing Linggo, 8 p.m., sa Sari Sari Channel.