Default Thumbnail

Russian roulette sa pagresponde ng pulis

August 11, 2023 Allan L. Encarnacion 307 views

Allan EncarnacionHINDI ko maipaliwanag kung anong pakiramdam at gaano kasakit para sa pamilya ng binatilyong 17 years old na pinagbabaril ng mga pulis sa Navotas matapos mapagkamalang suspect sa isang shooting incident.

Paano ba nating tatanggapin ng paulit-ulit na pagkakamali ng ating mga alagad ng batas sa tuwing sila’y reresponde para sa ating kaligtasan?

Hindi puwedeng nabubuhay tayo sa isang Russian roullete na paraan ng pagresponde ng mga pulis na hindi mo alam kung sino ang susunod na mabibiktima ng pagkakamali.

Ang hirap lunukin ng paliwanag ni Navotas police Chief, Col. Allan Umipig na iyong mga pulis ay nagpaputok sa tubig na nilundagan ng biktima para umano takutin lang.

Ayon sa mga naging ulat ng pulis, may dalawang suspect sa shooting incident na hinahabol ng mga parak. Iyong dalawang magkaibigan na nasa bangka na wala namang kinalaman sa krimen, nataranta, lumundag sa ilog ang isa na sinundan ng sunud-sunod na pamamaril ng mga pulis.

Resulta, patay si Jerhode Jemboy Baltazar na hindi suspect at walang anumang kinalaman sa shooting incident. Paliwanag ni Col. Umipig, nagpaputok ang mga pulis para takutin lang ang “lumundag” sa tubig. Gusto ko na sanang ibigin si Col Umipig sa kanyang paliwanag sa mga radio interview pero hindi tumibok ang puso ko sa kanyang sinabi. Pero aminado ako, kumulo naman ang aking dugo!

Ang tanong, ganoon ba talaga ang Rules of Engagement, kapag may lumundag sa tubig, pagbabarilin na lang basta kahit hindi nga tayo sigurado kung iyon nga ang suspect? Kahit pa sabihin na natin na suspect na ang lumundag, tama ba ang ganoong klase ng pagtugon sa sitwasyon?

Hindi ba’t ang natural at tamang kilos ay ikurdon ang paligid dahil hindi naman hito or siyokoy ang suspect na kapag lumundag sa Navotas river ay doon mo na sa Pacific Ocean matatagpuaan!

Ang pagtutok ng baril sa tubig na nilundagan ng suspect man o hindi ay isang mali at paglabag sa Rules of Engagement. Hindi rin iyon masasabing pananakot or to scare the suspect kasi nakatutok ang puluhan ng mga baril kung saan siya lumundag. Hindi man natin anak or hindi man natin kakilala ang biktimang si Baltazar, ramdam natin ang sakit ng pamilya.

Nanawagan tayo kay PNP Chief, General Ben Acorda na ibalik sa training camp ang mga pulis natin para doktrinahan sila sa tamang pagresponde sa anumang klase ng krimen at insidente.

Naalala ko na naman tuloy iyong duktor na napatay ng mga nagresponde ring pulis sa Paranaque dahil iyong kotse raw ay kamukha ng sinakyan ng mga gun-for-hire! Anak ng mag-asawang kuneho’t kambing, anong klase bang training ang ibinibigay sa ating mga alagad ng batas para magkaroon ng ganitong klase ng pagkakamali?

Hanggang kailan malalagay sa panganib ang mga inosenteng katulad ni Baltazar mula sa mismong kamay ng mga alagad ng batas na dapat ay nagpoprotekta sa kanya?

General Acorda, rebisahin natin ang mga klase ng training na pinagdadaanan ng ating mga pulis para hindi sila natataranta sa tuwing magreresponde sa mga sitwasyong katulad ng nangyari sa Navotas.

Kailangan sigurong magkaroon ng test case ng katulad sa Amerika na ang estado ang kinakasuhan para sa mga ganitong insidente ng pagkakamali ng mga pulis para mabago na ang kultura ng pagkakamali at pamamaslang sa mga inosenteng kababayan natin.

[email protected]