
Rubio pinangunahan inspeksyon sa P28.7M di deklaradong asukal
PINANGUNAHAN ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang pagsasagawa ng inspeksyon ngayong Abril 10 sa 14 na 20-foot container vans na naglalaman ng hindi deklaradong refined sugar na nagkakahalaga ng P28.728 milyon at tinangkang ipuslit sa pamamagitan ng Port of Subic.
Ang kargamento, na idineklarang “Sweet Mixed Powder,” ay galing sa Dong Nai Province, Vietnam at naharang ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) – Port of Subic.
Sa isinagawang laboratory analysis ng Sugar Regulatory Administration (SRA), lumabas na ang sucrose content ng sample na kinuha sa kargamento ay lagpas ng 65%, kaya iklinasipika itong refined sugar.
Ang pagpasok ng kargamento ay labag sa SRA Sugar Order No. 7, S. 2003–2004; SRA at BOC Joint Memorandum Order No. 04-2002; at sa Section 1400 at 1113 (f)(k) 1, 4, at 5 ng Republic Act No. 10863, o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), at Section 7 (a) at (e) ng Anti-Agricultural Sabotage Act.
Naglabas si District Collector Marlon Fritz Broto, MNSA, ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) noong Marso 28, 2025 laban sa naturang mga kargamento. Kasalukuyan sumasailalim sa forfeiture proceedings ang mga kargamento.
Ayon kay Commissioner Rubio ang operasyon ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang seguridad sa pagkain, panatilihin ang integridad ng kalakalan, at labanan ang agricultural smuggling.
“This seizure demonstrates our firm resolve to prevent the entry of misdeclared and unregulated goods. We remain aligned with the President’s call to protect consumers, support legitimate businesses, and safeguard the nation’s agricultural interests through strengthened inter-agency cooperation,” ani Commissioner Rubio.
Nangako naman si District Collector Broto na ipagpapatuloy ng Port of Subic ang maigting na pagbabantay upang maharang ang mga produkto na iligal na ipapasok sa bansa.
Patuloy na pinapalakas ng BOC ang kanilang enforcement efforts alinsunod sa 5-Point Priority Program ni Commissioner Rubio at sa mas malawak na pambansang kampanya kontra smuggling na pinangungunahan ni Pangulong Marcos Jr.