Ronaldo, ‘baklitang-baklita’ — Lolit

December 18, 2023 Ian F. Fariñas 247 views

IKINALUNGKOT ng talent manager/showbiz columnist na si Lolit Solis ang biglaang pagkamatay ng batikan at beteranong aktor na si Ronaldo Valdez.

Binalikan ni ‘Nay Lolit ang pagkakaibigan nila ng ama ni Janno Gibbs sa intimate Christmas lunch kasama ang ilang kaibigan sa entertainment press sa Mesa Restaurant kahapon.

Ayon sa kanya, naging close sila ni Ronaldo ilang dekada na ang nakakaraan.

“’Pag pumasok ka sa movies at baguhan kang reporter tapos ‘yung mga unang artistang mabait sa ‘yo, nare-remember mo ‘yon, eh. May melankoliya kang napi-feel pagka ano may nangyari sa kanila, parang ganu’n,” panimulang pahayag ni ‘Nay Lolit.

Patuloy niya, “Ano siya, ‘yung baklitang-baklita! ‘Yung parang ‘pag nagkikita kayo, ‘halika, Lolit, chuchu.’ Tapos ano siya, ‘yung alam niya lahat ng tsismis, ‘alam mo, kaya naghiwalay ang dalawang ‘yan…’, parang ganu’n. Tawanan kami nang tawanan!

“Talagang ano siya, very friendly. ‘Yun ang pinaka-ano, may warm, totoo ‘yung pagkabait. ‘Di ba ‘yung ibang mga artista, alam mo kapag kunyari, nakikisakay lang sa ’yo, nakikiano, ‘di ba? Siya, hindi. Talagang magkapantay kayo, parang ganu’n.”

Iba nga raw ang mga artista noong panahon nila dahil nagiging parang barkada nila ang mga ito.

Sey pa ni ‘Nay Lolit, hirap siyang tanggapin ang pagkawala ni Ronaldo sa edad na 77, pero ipinagdasal niya ito nang matanggap niya ang napakalungkot na balita.

MMFF ENTRY, INALAY NI SHARON KAY MIGUEL

KikoFamNAKAKABINGI ang tilian at hiyawan ng fans na dumagsa sa red-carpet premiere ng Metro Manila Film Festival (MMFF) entry ng Cineko Productions na Family Of Two (A Mother and Son Story) sa Trinoma noong Linggo.

Bukod sa mga bidang sina Sharon Cuneta at Alden Richards, maraming iba pang sikat na artista ang dumalo tulad nina John Estrada, Ogie Alcasid, Coco Martin, John Estrada, Ogie Diaz, Ara Mina, Bayani Agbayani, John Arcilla, Shamaine Centenera, Noni Buencamino, Jessica Soho at MTRCB Chair Lala Sotto.

Pinagkaguluhan din ang pamilya ni Mega na sina dating Senador Kiko Miel at Miguel Pangilinan. Namataan din doon ang ama ni Alden na si Richard Faulkerson.

Bago ang screening, sinabi ni Alden na talagang espesyal para sa kanya ang Family of Two dahil kwento ito ng isang ina at kanyang anak.

“You know I lost my mom 15 years ago. So I offer it to her, this film. So with Mama, with Miss Sharon, I was able to relate to those moments… of that I was with my mom.

“So sana ganu’n din ang maramdaman nyo.”

Para naman kay Sharon, “First of all, I’m here for you forever, Alden. Kahit hindi na tayo nagpepelikula, nandito si Mama. Huwag mong kalilimutan.

“And I want to dedicate this movie, first of all, to my son Miguel because he’s here tonight, and my daughter, Miel. Frankie is arriving tomorrow pa, so, and all my kids.

“And Kiko is here also. So it’s also a movie not just for a mom and a son but also for a parent and the parent’s child.”

Sobrang light lang ng istorya ng pelikula at ramdam ng mga nanood ang labis na pagmamahal sa pagitan ng mag-inang Maricar at Matty (Sharon at Alden, respectively).

Bukod sa husay ng cast, eh, puring-puri rin si Direk Nuel Naval at writer Mel del Rosario.

AUTHOR PROFILE