Allan

Road rage na naman ala Rolito Go-Eldon Maguan case

May 30, 2024 Allan L. Encarnacion 405 views

GANOON kadelikado ang pagdadala ng baril.

Sa isang kisapmata, magbabago ang iyong buhay kapag hindi mo nakontrol ang iyong galit. Makukulong at malamang ay no bail ang kasong isasampa ng pamahalaan laban sa gunman.

Hindi ito puwedeng bumaba sa homicide dahil iyong akto ng gitgitan at paghabol sa kanyang target bago ang actual na pamamaril ay isang kaso ng murder. Ibig sabihin, premeditated o magmula sa lugar kung saan mo hinabol ang iyong target hanggang sa siya’y maabutan at barilin ay puwede nating sabihing planadong pagpatay.

Magtatataka tayo kapag homicide ang maisasampa sa gunman.

Dapat maging aral ito sa ating lahat, lalo na sa mga mahilig magdala ng baril sa sasakyan. Imagine, mula sa malaya mong pagmamaneho, malaya mong pagkilos kasama ng iyong pamilya at mga kaibigan, bukas makalawa, hindi mo na ito magagawa dahil sa init ng iyong ulo.

Hindi ka na dapat pinapayagang makalabas ng kalsada dahil peligro ka sa lipunan.

Ang nangyaring pamamaril sa Edsa Ayala tunnel ng isang sinasabing mayamang gunner na naka-Mercedes Benz ay nagsimula lang sa simpleng gitgitan.

Ang kagitgitan, isang Toyota Innova na minamaneho ng isang family driver. Naulila ng driver ang kanyang pamilya. Sila iyong umaasa sa pagbabalik ng kanilang padre de pamilya matapos ang maghapong pagmamaneho sa kanyang mga amo. Pero bangkay nang ibinalik sa kanilang tahanan.

Hindi natin masabing kriminal ang nakabaril sa biglang tingin dahil mukhang licensed gun owner ito. Ibig sabihin, kasama ito sa mga Pro-Gun na pinayagan ng pamahalaang makapag-ari at makapagbitbit ng baril dahil mukhang miyembro ng shooting team dahil sa galing bumaril.

Isang bala lang ang tumapos sa driver ng Innova. Parang naulit ang kasong Roligo Go and Eldon Maguan na isang celebrated road rage case sa San Juan City, Metro Manila noong July 2, 1991. Napalaya na ng korte si Rolito Go noong 2019 matapos ang 25 years ng pagkakaulong. 40 years or life ang naunang hatol kay Go pero usually, 25 years lang ang maximum, lalo na kung may good conduct time allowance o nagpakabait sa selda ang nahatulan.

Sa pinakabagong kaso ng road rage sa Ayala tunnel, binabati natin ang DILG sa pamumuno ni Secretary Benhur Abalos at ni PNP Chief, General Marbil sa mabilis na pagkakaresolba ng krimen.

Kung ganito kabilis malulutas ang lahat ng kaso, malaging bagay ito para matakot ang mga kriminal sa kanilang masamang gawain.

Umaasa tayong ang susunod na malulutas na kaso ay ang pag-ambush sa LTO official na nangyari lamang nitong nakaraang linggo.

Congratulations kay Secretary Abalos at sa men and women ng PNP.

[email protected]