
Rice retailers protektado ni PBBM
MAPAPAWI na ang pangamba ng mga rice retailers bunsod ng price cap sa bigas na sinimulan nang ipatupad kahapon.
Bago kasi umalis si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay inayos niya ang hinaing ng mga rice retailers laban sa price cap ng bigas.
Sa isang talumpati, sinabi ng Pangulo na kanyang inatasan ang Department of Trade and Industry na mangalap ng pondo upang mabayaran ang anumang lugi na mararanasan ng mga rice retailers sa oras na maipatupad ang price cap.
Inamin ng Pangulo na batid ng pamahalaan ang epekto ng price cap sa mga rice retailers kaya naman agad gumawa ang mga otoridad ng paraan upang maayudahan ang mga ito.
Bagamat humingi ng paumanhin ang Pangulo sa epekto ng price cap sa mga rice retailers, nanindigan naman ito na kinakailangan maipatupad ang Executive Order (EO) 39 – ang batas sa likod ng rice price cap – upang masimulan ang ‘giyera’ laban sa mga kartel, hoarder at smuggler ng bigas.
Ipinaliwanag ng Pangulo na ang mga kartel, hoarder at smuggler ng bigas ang dahilan ng sobrang pagtaas ng presyo ng bigas.
Dahil dito, napapahamak ang maraming Pilipino partikular ang mga mahihirap na walang pandagdag sa kanilang budget para sa bigas.
Ang bigas ang pangunahing pagkain ng ating mga kababayan.
Nilinaw ng Pangulo na higit sa lahat ay kailangan bigyan ng ating pamahalaan ang mga dukhang Pilipino ng proteksiyon laban pagtaas ng presyo ng bigas.
Samantala, ipinaliwanag naman ng Pangulo na ang rice price cap ay ‘temporary measure’ lamang para mapangalagaan ang kapakanan ng mga mahihirap.
Aniya, ititigil ang pagpapatupad ng price cap sa oras maging ganap na sapat ang suplay ang bigas bunsod na rin sa pagadating ng imported rice at mga bigas na galing sa lokal na produksiyon.
Nanawagan ang Pangulo sa lahat ng mga Pilipino na maging mapagpasensiya sa harap ng mga paghamon.
Sa halip na magkawatak-watak, mas makakabuti na magtulungan ang bawat Pilipino upang masugpo ang mga kartel, smuggler at hoarder ng bigas.
Sa pagpapatupad ng EO 39, sinimulan na ng Pangulo ang giyera laban sa mga pasaway na negosyante sa rice industry.
Suportahan natin ang gobyerno sa laban na ito.
**
For comments, please call or text 09569012811 or email [email protected]