Default Thumbnail

Mga estudyanteng ipinaglihi sa class suspension!

September 6, 2023 Allan L. Encarnacion 194 views

Allan EncarnacionMARAMI nang eksperto ang nagsabi na masyadong mahinang klase na ang mga kabataang nai-produce ng kasalukuyang henerasyon.

Hindi na sila kasing talas ng mga kabataang umusbong noong 1970s, 80s hanggang 90s.

Masakit mang tanggapin, nawala na ang “angas ng kabataan” na dapat sana’y magiging katuwang ng gobyerno sa pagsusulong ng kabutihan at kaunlaran ng kanyang bansa.

Ang sinasabi nating “angas” ay hindi iyong barumbadong angas, ang ibig natin sabihin ay iyong tikas, iyong ismarteng kabataan na kayang makipagtagisan ng dunong, talento at diskarte sa kahit anong larangan.

Kaya nga malaki ang problema natin sa employment matching dahil maraming mga graduates ang hindi sukat o lapat sa mga pangangailangan ng mga kompanya.

Sa parehas na pagtingin, mayroon pa rin namang mga totoong competitive youth pero hindi na ito kasinglaki ng porsiyento na puwedeng maipagmalaki ng kanyang bansa.

Ang dahilan, masyado nang mainipin, reklamador at walang pagtitiyaga ang maraming kabataan ngayon.

Isang halimbawa na lamang ay dito sa class suspension. Kapansin-pansin na wala nang hiniling at wala nang inabangan ang mga mag-aaral ngayon kung ang kanselahin ang klase kahit sa konting ulan at hangin lamang.

Gaya dito sa Quezon City, may mga estudyanteng naninisi pa kay Mayor Joy Belmonte dahil matagal magkansela ng klase. Sa totoo lang, si Mayor Joy ang pinakatamang ginawa dahil kailangan niya ng batayan mula sa NDRRMC at sa Pag-asa bago siya magdeklara ng suspension ng klase. Alangan namang konting ambon, pagkagising ng alkalde, isuspindi agad ang klase!

Nito lang nakaraang Lunes, September 4, . nakakalungkot kasi kinansela ang klase gayong ambon lang naman ang nangyari sa araw na iyon sa buong National Capital Region. Isipin nyo, kagagaling sa Sabado at Linggo, nasuspindi pa ang klase noong Thu dahil din sa bagyo, tapos, Lunes pa lang, wala na namang pasok?!

Kabubungad pa lang ng Lunes, gusto na naman nilang magpahinga!. Napakarami na nating sunud-sunod na holidays, special holidays, mga bagyo, tapos sa konting ulan wala na namang pasok ang mga estudyante? Naalala ko tuloy ang doktrina ng mga paborito kong tambay: tamad man, napapagod din!

Masyado lang pinupulitika ng iba ang class suspension gayong ang totoo, si Mayor Joy ang may tamang desisyon nitong nakaraang mga araw.

Kung alam lang ng mga kabataang ngayon kung ilang bagyo at ilang baha ang sinuong namin para lang makapasok sa aming mga paaralan noong aming panahon sa elementarya, sekondarya hanggang makatapos sa kolehiyo, mahihiya sila sa pagsigaw ng class suspension sa konting ambon!

Bahala kami sa buhay namin mag-survive, ikakansela lang ang klase kapag “mala-delubyo” or mala-Ondoy ang magnitude ng bagyo. Pero iyong pasipul-sipol ng hangin at matinding hataw ng ulan, minamani-mani lang namin iyon. Makailang ulit ko kayang dinanas na lumangoy sa Dimasalang, Blumentritt sa Maynila at sa Obrero sa Caloocan dahil sa mataas na pagbahana pag-uwi namin sa hapon.

Masyado nating bine-baby ang mga estudyante natin ngayon kaya kinakapos na tayo sa mga kabataang kayang lumaban, kayang makipagsapalaran kapag dumating na sa labanan ng totoong buhay.

Sa isang banda, kailangan nating maresolba ang sentralisadong kanselasyon ng klase at dapat taasan natin ng konti ang sukatan bago ideklarang dapat suspendihin ang klase. Maawa naman tayo sa mga kabataang pinagkakaitan ng “real life training” sa tuwing nagkakaroon ng mga kalamidad.

Ibigay na natin sa NDRRMC, local NDRRMO at Pag-asa ang desisyon ng mga kanselasyon ng klase, huwag na nating abalahin ang mga alkalde dahil masyado na silang maraming trabaho at nagagamit lang sa pulitika ang isyu nang wala namang pagkakasala ang ibang local executive.

Yes, may lahi kaming mga “gabi” noong panahong nag-aaral kami kaya hindi kami takot sa ulan!

[email protected]