Ricardo1 Ricardo Cepeda

Ricardo ibabalik na sa ‘FPJ’s Batang Quiapo’ matapos pansamantalang makalaya

September 24, 2024 Eugene E. Asis 473 views
Ricardo2
Ricardo at partner Marina Benipayo sa isang eksena sa ‘FPJ’s Batang Quiapo’

PANSAMANTALANG nakalalaya ang aktor na si Ricardo Cepeda matapos itong payagan ng korte na makapag-bail ng nasa P1M para sa kasong syndicated estafa.

Noon pang September 18 siya sinundo ng kanyang partner na si Marina Benipayo sa Tuguegarao kung saan siya nakulong ng mahigit na 11 buwan.

Nitong Lunes, nakausap siya ng ilang entertainment writers sa Supersam at naikuwento niyang nag-usap na sila ni Coco Martin para maibalik ang karakter niyang si Richardson Wu sa ‘FPJ’s Batang Quiapo.’

Sa tunay na buhay, Ricardo Go ang totoo niyang pangalan.

Kuwento niya: “Si Coco, nag-message, parang sabi niya, ‘We want to be able to help you, whatever we could. Pero don’t worry, ibabalik namin ang karakter mo sa Batang Quiapo para makabawi ka sa finances mo.’

“Tamang-tama yung karakter ko was supposed to have a big confrontation scene with Christopher de Leon, magbabarilan kaming ganyan, biglang naaresto ako. Pinalabas na lang na pinapunta sa Hong Kong ang karakter ko para raw mawala ang init ng ulo.”

Ano ang pakiramdam niya sa kanyang pagbabalik sa pag-arte? “Kinakabahan ako,” sagot ni Ricardo.

Pero sa ngayon, hindi pa raw alam ni Ricardo kung kailan magsisimula ang taping niya para sa Batang Quiapo.

Nakapag-usap na rin sila ng kanyang mga anak na sina Sam at Sachi sa dating misis na si Snooky. Ayon sa kanya, si Marina pa ang nag-arrange ng kanilang pag-uusap noong Linggo. Hindi siya pumayag na puntahan siya ng mga ito habang nakakulong sa Tuguegarao, at nasisiyahan na lamang siyang makausap ang mga ito through Facetime. Nang magkita sila, iba ang pakiramdam ng tunay na hawak.

Patuloy niya, “We did a lot of yakap-yakap, the physical touch kesa yung Facetime lang. Okay lang, e. But when we started talking, sabi nila, ‘Your strength kept us strong.’

“Sabi ko, ‘Baligtad nga, e. Yung strength ninyo is what kept me strong.’”

Maganda naman ang naging trato sa kanya sa kulungan. Nagkataon na marami siyang kamag-anak sa Cagayan Valley kaya parang nagkaroon sila ng reunion ng kanyang mga pinsan na mga bata pa nang huli niyang makita. Ang mga naging kasamahan naman niya, ang tingin sa kanya ay tunay na siga tulad ng napapanood nila sa ‘Batang Quiapo’.

“Ang daming kwento at karanasan ko sa loob ng kulungan na siguro, positively ay gagamitin ko na lang sa mga karakter na gagawin ko pa,” ayon kay Ricardo.

Sa ngayon, pinag-iisipan pa niya kung magbabakasyon ba sila ni Marina o babalik kaagad sa trabaho. Basta ang mahalaga, alam niyang wala siyang kasalanan at naniniwala pa rin siya na mapapanigan siya ng batas.

AUTHOR PROFILE