
Regada fest ipinagdiwang sa Cavite City
TODO saya ang Cavite City at ilang parte ng lalawigan sa pagdiriwang ng kapistahan ng patron na si St. John the Baptist noong Hunyo 24.
Mahigit 50,000 residente, local at foreign tourists ang nakisaya sa ‘Too Big ang Saya’ Regada Water Festival sa sa bayside ng lalawigan para sa taunang basaan sa kalye na tinampukan ng Spongecola, December Avenue at Kerplunk.
Pinangunahan ni Cavite 1st District Congressman Ramon ‘Jolo’ Revilla III at Mayor Denver Chua ang taunang water festival upang magbigay-saya sa mga residente.
Daan-daang mga mommies at kababaihan ang nakilahok sa Zumbasaan sa Tanza, isang disaster preparedness awareness campaign na ginanap sa SM Tanza parking lot sa Brgy. Daang Amaya II.
Lumabas ang mga local officials ng General Trias sa pangunguna ni Mayor Luis Ferrer IV, Vice Mayor Jonas Labuguen upang pangunahan ang pag-sprinkle ng tubig gamit ng truck ng bumbero bilang pakikibahagi sa kapistahan ni San Juan Bautista na patron ng dalawang barangay dito.
Kasunod ito ng paglabas ng image ng patron para sa karakol na umikot sa dalawang barangay.
Nagkaroon din ng Basaan sa Barangay San Juan 1 and 2 sa Bayan ng Noveleta bilang pagdiriwang ng kapistahan sa lugar gayundin sa San Juan, Ternate, Cavite.