Pastor Apollo Quiboloy

RAPE VICTIM HAHARAP SA SENATE PROBE KAY QUIBOLOY

December 14, 2023 People's Tonight 216 views

ISANG umano’y biktima ng panggagahasa ang magsisilbing pangunahing testigo sa isasagawang imbestigasyon ng Senado sa mga akusasyon laban kay Pastor Apollo Quiboloy, ang lider ng religious group na Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Ayon kay Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ipinahayag ng mga dating miyembro ng KOJC ang kanilang kahandaan na makipagtulungan at tumestigo sa Senado sa planong imbestigasyon sa mga alegasyon ng human trafficking, rape, at sexual at physical abuse laban kay Quiboloy.

“Mismong mga dating miyembro na ni Quiboloy ang nagre-reklamo dahil sa pagtratong natanggap nila sa kamay nya na hindi nila inaasahan,” sabi ni Hontiveros.

Sa pagsasama sa umano’y biktima ng panggagahasa, sinabi ni Hontiveros na mabibigyang diin ang bigat ng mga akusasyon laban kay Quiboloy at ang pangangailangan na magsagawa ng malalimang imbestigasyon.

Kamakailan ay inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution (HR) No. 884 na nananawagan sa Senado na imbestigahan ang mga malpractice na nagawa ni Quiboloy gamit ang kanyang posisyon bilang lider ng KOJC.

Hiniling din ng senadora sa Department of Justice (DoJ) na ilagay sa immigration lookout bulletin si Quiboloy upang hindi ito makaalis ng Pilipinas para matakasan ang kanyang pananagutan.

Kinondena naman ng abugado ni Quiboloy na si Ferdinand Topacio si Hontiveros sa paggamit ng trial by publicity at hinamon ito na sampahan na lamang ng kaso si Quiboloy.

Sa inihaing resolusyon, sinabi ni Hontiveros na iprinisinta ni Quiboloy ang kanyang sarili bilang “Appointed Son of God” at pinapasunod ang mga full-time followers nito sa pamamagitan umano ng brainwashing, psychological manipulation, at pagbabanta ng eternal damnation.

Sinabi rin sa resolusyon na si Quiboloy ay mayroong isang grupo umano ng mga babae na tinawag nitong “pastorals” na mayroong mataas na posisyon sa kanilang organisasyon. Ang mga babaeng ito ay personal umanong nakikisalamuha kay Quiboloy.

Kasama sa mga trabaho ng mga babaeng ito ang umano’y paglalaba, pagpapaligo, paglilinis ng kuwarto, at pagmamasahe kay Quiboloy.

Ayon sa resolusyon mayroong mga miyembro ng pastoral na minor de edad pa nang pumasok at pinagbibigay umano ng sexual services.

Sinabi rin sa resolusyon na inutusan umano ni Quiboloy ang mga miyembro ng organisasyon, marami ay minor de edad, na mamalimos sa kalsada, at manghingi ng pera sa mga hindi kakilala. Ang mga hindi umano nakakaabot sa quota ay nilalatigo at pinapahiya sa publiko.

Dahil nangyari umano ang mga insidente sa loob ng teritoryo ng bansa, sinabi ni Hontiveros sa resolusyon na dapat itong imbestigahan ng Senado.

Patuloy umanong nakakapag-operate ang KOJC kaya mas lalo itong dapat na imbestigahan.

Sinabi ni Hontiveros na ang imbestigasyon ay tutukoy kung ano ang mga pagbabago sa batas na dapat gawin upang mas mapalakas ang kampanya laban sa large-scale at systematic human trafficking activities na ginagawa gamit umano ang religious organizations.

AUTHOR PROFILE