Hontiveros HONTIVEROS

Quiboloy ‘tutuluyan’

February 15, 2024 Camille P. Balagtas 204 views

Kahit subpoena nakabinbin

A SUBPOENA has been requested and I followed this up with the formal letter to the office of Senate President.”

Ito ang pahayag ni Deputy Minority Leader Sen. Risa Hontiveros kaugnay ng matagal ng nakabinbin na subpoena ng kanyang komite sa mga reklamo ng pang aabuso laban sa kontrobersiyal na pinuno ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si televangelist Apollo Carreon Quiboloy.

Sa ginanap ng talakayan sa Senado, inihayag ni Hontiveros na siyang chairman ng Committee on Women, Children, family relations and gender equality na personal siyang nag pa-follow up sa pirma ni Senate President Juan Miguel Zubiri para sa subpoena ni Quiboloy ngunit bigo siya na makuha ito hanggang sa kasalukuyan.

Ang pirma ng pinuno ng Senado ayon pa kay Hontiveros ay maitururing na isang ministerial power upang makapag invoke ang komite ng pag papa-aresto sa sinuman tatanggi na humarap sa pagdinig sa Senado.

“Dalawang ulit na pong nagpadala ng imbitasyon ang ating komite kay G. Quiboloy upang humarap sa ating pagdinig at dalawang beses din po niya itong na deadma. At dito nga ay ni-request ko ang ministerial na pirma ng Senate President, so kung bakit hangang ngayon ay hindi pa niya napipirmahan iyon ay hindi ko maipaliliwanag. Kay Senate President ninyo na lamang itanong,” giit ni Hontiveros.

Ayon pa kay Hontiveros, sinabi ng opisina ng pinuno ng Senado na sila na lamang aniya ang sasagot sakaling magtanong ang sinuman kung bakit hindi pa napipirmahan ni Zubiri ang subpoena laban kay Quiboloy.

“HIndi ako intrigera. Kung may magtanong daw sa inyo ay siya na raw ang magpapaliwanag. He didn’t actually gave me any explanation. Kayat mabuting siya na lamang ang inyong tanungin. Sa mga nakaraan naman na pamunuan, kahit sa Pharmally na direktang nag li link ang isyu kay dating President Duterte, ay pinirmahan pa rin ni dating Senate President Sotto ang subpoena,” paglalahad ng senadora.

“It is very important na makakuha ng signature niya (SP Zubiri). Kasama ito sa proseso at rules ng Senado yan. Basta nakatutok ako at umaasang sana ay mapirmahan ito ng ating Senate President. Inuulit ko na hindi ako intrigera ngunit kahit influential siya (Quiboloy) at kahit sinasabing malapit siya sa iba’t ibang matataas na tao ay patuloy pa rin akong maghihintay na mapirmahan ang ating subpoena” dagdag pa ni Hontiveros.

Matatandaan na sa iba’t ibang panayam kay Quiboloy, ay tinawag nito ang Senado bilang isang kangaroo court kung kaya’t diumano ay hinding hindi siya haharap sa imbestigasyon na ginagawa ng Senado sa pamumuno ni Hontiveros.

“Kung talagang walang kasalanan si Quiboloy, ay kusa siyang magpapakita sa aming pagdinig sa darating na Lunes (Feb. 19,2024) at hindi magpapatago tago lang na parang isang kriminal. Ang hindi pagharap sa anumang pagdinig sa Senado ng isang testigo ay tahasang paraan ng pag delay,” paliwanag ni Hontiveros.

Binalaan din ni Hontiveros si Quiboloy sa patuloy nitong ginagawang pang mamaliit sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso kaugnay ng binitawan nitong pahayag na kangaroo court ang isinasagawa na pag iimbestiga laban sa kanya.

“Huwag ninyong linlangin ang Senado. Huwag ninyo kaming lokohin. Anyone trying to spoil our investigation ay binabalaan ko kayo na mananagot po kayo. No one is above the law,” giit ni Hontiveros kung saan ay binulgar din niya na nagkaroon pa ng mga pagtatangka na bulabugin ang pag-iimbestiga niya sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga pekeng witness na agad naman aniyang natunugan ng kanyang komite.

Ibinahagi ng senadora na ilan mga nagpapanggap na gustong mag witness na umanoy tumiwalag na miyembro ng grupo ni Quiboloy ay nagpahayag ng interes na tumestigo kay Quiboloy ay mga pain o bait.

Natunugan agad ng komite, ayon kay Hontiveros ang gagawin pagsabotahe kung saan ay guguluhin ang kanilang pagdinig at papalabasin na walang basehan at walang kredibilidad ang mga alegasyon laban sa tinatawag nilang “appointed son of God.”

Bukod pa dito aniya ang tinatakot din ng mga tagasunod ni Quiboloy ang ilan sa mga witness at hina harass ang mga ito kahit sa online. Gayundin aniya ang ginawang pag gugulo kahit sa karinderya ng isa sa mga witness ng mga naka motorsiklo.

Gayunman, sinabi pa rin ni Hontiveros na in aid of legislation and in aid of justice, ipagpapatuloy niya ang pagdinig ng senado laban sa mga krimen at pang aabuso ni Pastor Quiboloy dahil naniniwala siyang magiging kapakipakinabang ang pagdinig na ito upang maliwanagan ang marami sa mga pang aabusong dinanas ng mga biktima sa ilalim ng sekta KOJC.