
Pulso ng Taumbayan sa Medical Cannabis
BILANG bahagi ng ating bukas na komunikasyon sa taumbayan, masigasig ang ating pakikinig sa pulso ng masa. At isa sa mga nakakuha ng atensyon ng ating mga kababayan mula sa ating opisyal na social media account ay ang ating isinusulong na panukalang batas ukol sa Compassionate Use ng Medical Cannabis.
Mula po rito, nais po nating bigyan ng paliwanag ang ilang mga komento na ating natanggap sa ating Facebook account kaugnay ng panukalang batas na ito:
“Ok lang po kapag may reseta ung bibili, Sen. Pag wala, ‘wag pagbentahan,” sabi ni Leonisa Silva Delosreyes. Ganito rin ang punto ni Christopher Del Rosario: “Need ng Doctor Prescription kung maipapasa yan at maaprobahan.”
Sumasang-ayon po ako sa parehong punto. Ang medical cannabis sa ating panukala ay hindi po mabibili sa ordinaryong botika o makukuha sa sinumang doktor. Base sa ating panukalang batas, tanging mga kwalipikadong doktor na may S2 license — ito po ang espesyal na lisensya mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) — ang maaring magbigay ng sertipikasyon sa pasyente para maka-access ng medical cannabis. Kumbaga, hindi lamang reseta, sertipikasyon pa ang kinakailangan dahil marapat lamang na protektahan ang publiko sa maaring maging pag-aabuso dito.
Ang sertipikasyong ibibigay ng isang S2-licensed doctors ay para lamang sa mga kwalipikadong pasyenteng na may medikal na kondisyon na sinasabi sa batas (cancer, epilepsy, rheumatoid arthritis, etc.). Nakasaad dito ang pagkakakilanlan ng pasyente, medikal na kondisyon, dosage ng medikal cannabis, petsa kung kailan ibinigay at hanggang kailan pwedeng gamitin.
Sa madaling sabi, mahigpit po ang ating tuntunin sa mga doktor at pasyente para magkaroon ng access sa medical cannabis.
Ayon naman kay Ryan Lazaro, “Malaki ang health benefits, pero dapat tingnan ang side effects nito sa tao at sa society.”
Sinasabi po sa mga pag-aaral na ang medicinal cannabis ay isang gamot, at tulad ng lahat ng gamot, hindi imposible na magkaroon ito ng mga side effects.
Gayunman, tulad ng inaalala ni Ryan, tinitiyak po natin sa ilalim ng panukala na magkakaroon ng pagsasanay ang mga lisensyadong doktor na magbibigay ng access sa medical cannabis. Ang DOH ay bubuo rin ng programa sa pag-aaral ng contraindications; epekto; masamang reaksyon; pag-iwas sa labis na dosage; mga panganib at benepisyo; pang-aabuso at iba pang mga kaugnay na mahahalagang paksa.
Iba naman po ang komento ni Edgar Macapagal: “Mas magiging malala ang sakit ng lipunan at problema sa illegal drugs na kakaharapin ng bayan kesa matulungan ng batas para sa legal na paggamit ng marijuana.”
Batid po natin na mabilis iugnay ang marijuana sa problema sa illegal na droga. Ngunit lilinawin uli natin na medical cannabis po ang tampok sa ating panukalang batas at hindi marijuana. Ibig sabihin, gamot po ito na nasa anyong oil at capsule mula sa mahigpit na pangangasiwa ng gobyerno.
Wala rin pong direktang korelasyon ang pagtaas ng kriminalidad sa pagsasa-legal ng medical cannabis. Sa katunayan pa nga, mas naging mabisa pa ang operasyon ng pulisya sa ilang estado kung saan legal ang medical cannabis. Sa Washington at Colorado, halimbawa, mas tumaas pa ang crime clearance rate o proporsyon ng krimen na natugunan ng pulis sa kabuuhan ng bilang ng naireport na krimen nang isa-legal ang medical cannabis noong 2012.
Bukod pa rito, ayon sa mga pag-aaral, ang legalisasyon ng medical marijuana ay walang negatibong epekto sa anumang partikular na uri ng krimen.
Ilan lamang po ito sa daan-daang komento at saloobin ng mga mamamayan sa ating isinusulong na batas. Sa mga susunod na pagdinig ng Senate Bill 230 at pribilehiyong talumpati na ating inilahad sa Senado ay mas malilinaw natin ang layunin ng ating batas. Iisa lamang po ang ating mithiin— ang magkaroon ng katuturan ang makabuluhang panukala para sa kapakinabangan ng mga Pilipino. Asahan po ninyong pagsusumikapan nating makamit ito sa pamamagitan ng konkretong aksyon sa Senado. Ni Robin Padilla