Hangad natin ang tagumpay ni Chief of Staff Atty Vic Rodriguez
HINDI natin ikatutuwa ang pagbagsak ng isang tao, lalo pa ng isang kaibigan.
Si Atty. Vic Rodriguez ay kaibigan natin mula sa mga panahong ang iba sa inyo ay fetus pa lang o hindi pa ipinapanganak iyong mga panahong nasa labas lang kami ng club ng super friend namin na si Perry Mariano na kumakain ng pandesal, keso at gatas na malapot. Mga dekada 90 pa yan, sa kanto ng Timog at Morato, sa misnong parking area lang ng Ihawig club.
Ewan ko ba dito kay Perry kung anu-anong pagkain ang pinapauso pag magkakasama kami. Si Perry ang presidente ng Association of Club, Karaoke, Disco Operators o ACKDO noon, ako naman tumutulong sa PR, si Atty. Vic naman nakokonsulta ni Perry sa mga legal issues.
Madaling makapalagayang loob si Atty. Vic una kasi, by heart ay mabuting tao naman at mababaw rin ang kaligayahan kahit napakaseryosong tao.
Kayang-kaya kong lokohin sila Perry at Atty. Vic sa kuwetuhan kaya abot ngala-ngala ang kanilang tawa kapag humirit na ako ng punchline.
Huli kaming nagkita ni Atty. Vic sa Rockwel Mall sa Makati by accident pa mga ilang linggo bago mag-eleksiyon nitong 2022.
Hinatak niya ako habang nagkakape sila ng isa naming common friend. Presidential election ang topic namin agad kqya binida ko sa kanya na “bata niya ako.”
Usual Atty. Vic, tatawa-tawa at ramdam ang sinsiridad ng pananabik sa muling pagkikita.
Biniro ko pa siya, sabi ko huwag niya ako kalimutan pag nasa paraiso na siya.
Nang manalo na si PBBM, nagkapalitan pa kami ng text messages pero lumaon, wala na siyang sagot. Alam ko naman ang demand ng pagiging ES, sobrang busy. Parang si Senador Bong Go lang, nang maging Presidente na si Mayor Digong, hindi na rin sumasagot sa ating mga text. Dalawang bagay lang yan, una baka talagang sobrang busy or pangalawa, “hu me ba” or sino ba naman ako para sagutin sa text?
By nature, ganoon naman talaga ang karakter natin, lumalayo na tayo sa mga kaibigan kapag nasa power na sila kasi baka makaistorbo ka pa sa kanila. Sabi nga, huwag kang pakalat-kalat sa playground ng mga higante para di ka maapakan.
Bilang Little President, sobrang laki ng poder at laki ng obligasyon ni Atty. Vic kaya hindi rin natin siya masising isnabin or hindi na mapansin ang ating mga text sa kanya.
May mga inside story lang sa pagre-resign niya bilang ES at pagkakalipat niya bilang Chief of Staff pero wala ako sa posisyon para ilabas sa publiko.
Magandang bagay lang dahil nakaposisyon pa siya as COS ni President Bongbong pero siyempre, iba pa rin ang Executive Seretary.
Ang COS sa Philippine setting ay hindi katulad ng US White House na Little President talaga. Kasi nga wala naman Executice Secretary sa Oval Office kaya COS ang bigatin doon.
Sa pagiging COS ni Atty. Vic, umaasa tayong magampanan niya ang anumang mandato ng posisyon dahil gusto rin natin makitang magtagumpay siya kasama ng Marcos administration.
Hindi naman nagbabago ang ating pagtingin kay Atty. Vic, isa pa rin siyang true friend na nawalay sa pandesal naming harapan.
Kahit anong oras niya akong ayain na magkape’t magpadensal na may keso”t gatas na malapot, narito lang ako at maghihintay.
Wala pa rin talagang sasaya sa isang buhay na pangkaraniwan Atty. Vic kaya tara na’t bumalik ka na sa kandungan namin nila Perry doon sa kanto ng Timog at Morato, Quezon City.