
Pulisya may 3 persons of interest sa pamumugot ng sikyu
INIHAYAG ng Quezon City Police District na may tatlong persons of interest na hinggil sa pamumugot ng ulo ni Alfredo Tabing, security guard sa car showroom ng Ford Balintawak sa Quezon City.
Ayon kay Maj. Dondon Llapitan, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD hindi magagawa ng isang tao ang karumal dumal na pagpatay sa biktima.
Gayunman sinabi ni Llapitan hindi pa nila maaaring ibunyag ang pagkakakilanlan ng mga ito upang hindi maapektuhan ang kanilang ginagawang operations.
Isa rin sa pinagtutuunan ng pulisya ang anggulo na inside job dahil walang nakitang forcible entry sa showroom.
Inaalam na rin ng pulisya kung may nawawalang gamit sa nasabing establisimyento.
Una nang sinabi ni Raymond Parungao, Information Security ng Ford Balintawak na taong Pebrero 2022 pa sira ang kanilang CCTVs.
Ayon sa pulisya posibleng matindi din ang galit ng mga suspek sa biktima dahil pinugutan at tinangay pa ng mga ito ang ulo ni Tabing.
Sa pagtatanong ng mga pulis sa kapitbahay ng biktima, sinasabing wala naman itong nakaaway o kagalit kaya nakakapagtakang sapitin ng biktima ang karumal dumal na kamatayan.