Default Thumbnail

Pulis na natakasan ng preso, sinibak sa pwesto

May 6, 2023 Zaida I. Delos Reyes 245 views

SINIBAK sa pwesto ang isang pulis matapos na matakasan ng isang preso, ilang minuto makaraang isailalim sa inquest proceedings sa Sta. Rosa City, Laguna nitong Biyernes.

Ang nasibak sa pwesto ay may ranggong Police Corporal at nakatalaga sa Sta. Rosa City Police Station.

Agad na dinisarmahan ang pulis na ngayon ay nahaharap sa kasong “negligence.”

Sa ulat ng Calabarzon Police Office, dakong 1:17 ng hapon nang makatakas ang babaeng preso na sinasabing “drug pusher” umano mula sa pangangalaga ng pulis.

Sinasabing hinihintay ng pulis ang mensahe ng duty assistant city prosecutor clerks at secretary nang pansamantala nitong iwan ang nasabing preso na walang posas diumano para sunduin ang isa pang preso sa male dormitory ng Sta. Rosa City Police Station jail upang isalang rin sa inquest proceedings.

Gayunman, nang balikan ng nasabing parak ang naturang inmate ay hindi na niya ito matagpuan makaraang samantalahin ang pagkakataon para tumakas.

Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito. Ni ZAIDA DELOS REYES at GIL AMAN