Default Thumbnail

Pulis na nakapatay ng kabaro sa Laguna, kalaboso sa kaso

November 28, 2022 Zaida I. Delos Reyes 332 views

SINAMPAHAN na ng kasong reckless imprudence resulting to homicide ang pulis na aksidenteng nakabaril at nakapatay sa kanyang kasamahan habang naglilinis ng baril sa Laguna.

Ito ang kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge (OIC) Police Lt. Gen. Rhodel Sermonia.

Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Sermonia na nakapag-file na ang PNP ng karampatang kaso laban sa suspek na isang Police Corporal, miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) at nahaharap din sa kasong administratibo.

Matatandaan na nitong Nobyembre 23 ay aksidenteng nabaril at napatay ng pulis ang kanyang kasamahan.

Ayon sa ulat, nililinis ng mga pulis ang kanilang mga baril bilang paghahanda sa isang pagsusuri.

Iniinspeksiyon umano ng suspect ang kanyang baril at nang tangkain nitong alisin ang bala mula sa chamber ay aksidenteng pumutok ito at tumama sa dibdib ng biktima.

Naisugod pa ang biktima sa pagamutan subalit idineklara siyang dead on arrival ng attending physician.