Default Thumbnail

Public consultations sa pagrebisa ng Saligang Batas, napapanahon na

February 20, 2023 Edd Reyes 401 views

MATAGUMPAY na naisagawa ng House Committee on Constitutional Amendments ang kanilang pampublikong konsultasyon sa mga panukalang batas na nagsusulong ng mga reporma sa konstitusyon noong Sabado sa San Jose Del Monte (SJDM) City, Bulacan.

Halos 700 kalahok mula sa iba’t-ibang sektor ang dumalo sa public consultation na pinangunahan ni SJDM City Rep. Florida “Rida” Robes at ng kanyang asawang si Mayor Arthur Robes sa City Convention Center sa Barangay Sapang Palay Proper.

Si Rep. Robes, na namumuno sa House Committee on Good Government and Public Accountability, ay nagsabi na ang konsultasyon ay mahalaga upang makuha ang mga pananaw at puna ng publiko sa mga panukalang amyendahan ang 1987 Constitution na ang mga probisyon, ayon sa kanya, ay “hindi na umaayon” sa kasalukuyang panahon.

“Kailangan natin ito upang masigurado na ang inaamyendahang Konstitusyon ay matibay. May 36 na taon ang nakalilipas at marami na ang nagbago at maraming dapat ayusin,” diin ni Rep. Robes.

Idinagdag niya na ang layunin ng pampublikong konsultasyon ay malaman ang saloobin ng nakararami kung dapat nga bang magkaroon ng repormang konstitusyunal sa anumang pamamaraan gagawin ang reporma at ano ang mga iminumungkahing reporma tulad ng pagsulong ng repormang makapagpapabuti sa ekonomiya ng bansa kagaya ng pagluwag sa investment barriers.

“Hindi maikakaila na kailangan natin ng reporma kaya tayo ay magkakaisa sa pagsulong ng repormang makatutulong sa ating mahal ng Pangulong Bongbong Marcos at higit sa lahat para sa isang matatag na pamayanan ng Pilipinas,” sabi pa ng Kongresista.

Pinangunahan ni Zamboanga del Sur 1st District Rep. Divine Yu, vice chair ng House Committee on Constitutional Amendments, ang pampublikong konsultasyon sa SJDM City, na siyang ikaapat na out-of-town consultation na isinagawa ng lupon, pagkatapos ng Cagayan de Oro City, Iloilo City, at San Fernando City sa Pampanga.

Nagpahayag ng pag-asa si Yu na sa pamamagitan ng serye ng mga pampublikong konsultasyon, masusukat ng Kamara ang sentimyento ng publiko kung kailangan o hindi na amyendahan ang Konstitusyon.

Sinabi ni dating National Security Adviser Clarita Carlos, isa sa miyembro ng lupon, na kailangang baguhin ang batayang batas ng bansa dahil “natuklasan namin na ang mga kondisyon kung saan itinatag ang 1987 Constitution ay nagbago.”

“Nag-iba na po ang ating beliefs systems, nag-iba na po ang ating geopolitics, nag-iba na po ang istruktura ng ating pulitika, at nag-iba na po ang ating mga goals bilang isang bansa,” pahayag ni Carlos.

Sinabi naman ni House Assistant Majority Leader at Leyte 4th District Rep. Richard Gomez na ang mga pag-amyenda sa 36 taong gulang na Charter, partikular na ang mga mahigpit na probisyon sa ekonomiya nito, ay “urgent at overdue.”

Samantala, ipinakita naman ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo ang masamang epekto ng mga mahigpit na probisyon ng konstitusyon sa buhay ng mga Pilipino at ang mga posibleng benepisyo sa paggawa ng mga probisyong ito nang mas bukas.

Dumalo rin sa konsultasyon sina Rep. Rossana “Ria” Vergara ng Nueva Ecija 3rd District, Danny Domingo ng Bulacan 1st District, Loreto Amante ng Laguna 3rd District, Zaldy Villa ng Siquijor, at JC Abalos ng 4Ps Partylist; Bulacan Vice Governor Alex Castro; at dating ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio.

AUTHOR PROFILE