Chicken

Produksyon ng itlog dagdag pangkabuhayan sa ARBs

March 24, 2024 Cory Martinez 113 views

Sa Surigao del Sur

MAGKAKAROON na nang pagkakataon ang mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Surigao del Sur na madagdagan ang kanilang kita sa pamamagitan ng pag-igting sa produksyon ng itlog.

Ayon kay OIC-Assistant Regional Director Joie Ceballos ng Department of Agrarian Reform (DAR), makikipagtulungan ang ahensya sa Pilmico Foods Corporation upang palakasin ang kakayahan ng mga ARB na miyembro ng San Roque Cooperative sa produksyon itlog at mabigyan sila ng karagdagang pangkabuhayan.

Ang naturang proyekto na tinatawag na Omelette ay ipapatupad sa pamamagitan ng isang Memorandum of Understanding (MOU) na nilagdaan kamakailan sa pagitan ng DAR at Pilmico. Nagkakahalaga ng P237,000 ang naturang proyekto na inaasahang magsisimula sa Abril 2024.

Pinili ng PIlmico ang San Roque Cooperative na nasa Barobo, Surigao del Sur na siyang bibigyan ng apat na set ng egg machines, galvanized cage at 192 na ulo ng ready-to-lay hens.

Magbibigay din ang Pilmico ng feeds na sapat para sa isa hanggang dalawang buwan; mga animal health product at mga egg weighing scale.

Ayon pa kay Ceballos, bahagi ng pangkabuuang estratehiya ng ahensya ang naturang kasunduan upang maingat ang kalidad ng pamumuhay ng mga ARB.

Samantala, tiniyak naman ni San Roque Cooperative Chairman Lorenzo Simbajon, Jr. na kanilang aalagaan mabuti ang mga pasilidad na ipinagkaloob sa kanila dahil ito ay malaking tulong upang madagdagan ang kanilang mga kita.

Nagpahayag din naman ng pasasalamat si Pilmico Territory Business Manager, Joel Brangca dahil nagkaroon sila ng pagkakataong na makatulong sa mga naturang magsasaka.

Isang integrated agribusiness at food subsidiary ng Aboitiz Group ang Pilmico na ang layunin ay magbigay ng oportunidad sa mga ARB at i-maximize ang kakayahan kumite ng organisasyon sa pamamagitan ng paggawa nang mas matatag na proyektong pangkabuhayan.

AUTHOR PROFILE