Default Thumbnail

Positibo ang pag-aampon

December 11, 2021 Magi Gunigundo 595 views

Magi GunigundoPOSITIBO ang pag-aampon ng bata sa pamayanan. Si Moises ay inampon ng Prinsesa ng Ehipto; si Clark Kent, na kilala bilang Superman, ay inampon ng mag-asawang Jonathan at Martha Kent; at si Judah Ben Hur , sa nobelang Ben Hur, ay inampon ni Quintus Arrius , isang Romanong Konsul. Nguni’t sinisira ng mga marites sa barangay ang positibong epekto ng pag-aampon kaya nagiging negatibo ito na pinagmumulan ng tuksong nakakasama ng loob sa batang ampon. At kadalasan, bagamat mahal ng bata ang nag-ampon sa kanya, ang reaksyon ng ampon ay hanapin ang tunay na magulang upang marinig ang sagot sa kanyang nagbabagang tanong kung bakit siya ipinamigay. Upang hindi maunahan ng tsismis, ang mga nag-ampon ay pinapayuhan na bigyan ng positibong haka ang pagiging ampon ,na isinilang sa puso ng magulang, at kumuha ng tiyempo na ipagtapat ang katotohanan sa bata oras na tumuntong ito sa tamang edad.

Sa pag-ampon, lumikha ang batas ng isang relasyon sa pagitan ng dalawang tao, na kadalasan ay hindi magkadugo, ng lehitimong relasyon tulad ng isang magulang at anak. Dahil ang pag-aampon ay artipisyal, tanging ang pag-aampon na dumaan sa hukuman ang may bisa sa Pilipinas na nakapagbibigay ng mga karapatan na ipinagkakaloob ng batas sa mga inampon ayon sa RA 8552 (ngayon ay may administrative adoption sa RA 11222). Ang pagiging ampon ay hindi kailanman ipinapalagay kaya kailangan ipakita ang utos o rekord ng hukuman na pinapahintulutan na ampunin ang isang bata. Ang kawalan ng utos ng hukuman sa pag-aampon ng isang tao ay bumubuo ng palagay na walang naganap na pag-aampon ayon sa batas.

Ang konsepto ng “adoption “ o pag-aampon ay nagsimula sa sinaunang Romano na ang pangunahing layunin ay masigurado ng isang Romano na mayroon siyang tagapagmanang lalake, kahit hindi niya kadugo, na magpapatuloy sa kanyang apelyido at lahi. Hindi gaano pinag-uusapan ang karapatan ng inampon at ang pokus ng batas ay nakatuon sa mga karapatan ng nag-ampon. Hindi tanggap ang konsepto ng pag-aampon ng mga Romano sa Greece, France, Spain at England dahil ang mga mayayaman doon ay ayaw mabawasan ang mamanahin sa kanilang mga magulang kung may ampon na kaagaw sa mana. Mahabang panahon ang nagdaan bago niyakap ng mga Kastila ang konsepto ng pag-aampon at sila ang nagdala ng konseptong ito sa Pilipinas. Sa pagtawid sa ika 20 siglo, binigyan halaga ang mga karapatan at pagtatanggol sa mga inampon na bata sa mga pandaigdigang kasalutan tulad ng 1924 Geneva Declaration of Rights of the Child, 1948 Universal Declaration of Human Rights at ng United Nations Declaration of the Rights of the Child. Bilang pagsunod sa mga kasulatang ito, ipinasa ang Civil Code ng Pilipinas noon 1950. Sinusugan ito ng Child and Youth Welfare Code ( PD 603) noon 1974 at ng Family Code noon 1988. Ang batas sa domestic adoption o RA 8552 na nagkabisa noon 1998, ay binawi ang karapatan ng nag-ampon na kanselahin ang pag-aampon na pinayagan ng hukuman at ang karapatan kanselahin ito ay ipinagkaloob na lamang sa inampon gamit ang alinman sa apat na batayan ( Section 19, RA 8552). Ang remedyo ng nag-ampon ay alisan ng mana ang pasaway na inampon batay sa alinman sa walong batayan sa Artikulo 919 ng Civil Code.

Ang ampon ay mayroon mga sumusunod na karapatan: ang kapangyarihan ng natural na magulang sa batang menor de edad ay mapuputol at ang parental authority ay ipagkakaloob sa nag-ampon ; ang inampon na bata ay ituturing ng batas na lehitimong anak ng nag-ampon na may obligasyon mahalin, patnubayan at suportahan ang inampon batay sa kakayahan ng pamilya; at ang ampon at nag ampon ay may karapatan magmana sa isa’t isa . Gayon pa man, maaari pa rin magmana ang ampon sa kanyang natural na magulang( Section 16,17 at 18, RA 8552).

Ang RA 9523 ay nagdagdag ng requirement sa pag-aampon: kailangan kumuha sa DSWD ng sertipiko na ang batang aampunin ay “ Child Legally Available for Adoption” upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kamag-anak ng bata na ampunin siya bago buksan ang pintuan sa mga mag-aampon na hindi kadugo ng bata. Bilang isang patakaran ng estado, ang lahat ng mga hakbang upang mapanatili ang awtoridad ng natural na magulang at pangangalaga ng kanilang mga anak ay dapat hikayatin at ipatupad. Kapag napatunayan na walang kamag-anakan ang may kakayahan ampunin ang bata, saka pa lamang mapapayagan ang pag-aampon ng isang hindi kadugo ng bata ( Seksyon 2 ng RA 8552).

Dahil sa bagal ng proseso ng pag-aampon sa hukuman, ang karamihan ng mga magulang na may anak anakan o palaki ay basta na lang ipinaparehistro sa Local Civil Registrar ang kapanganakan ng isang bata bilang anak nila kahit hindi ito totoo. Ang shortcut na ito ay ipinagbabawal ng Artikulo 347 ng Revised Penal Code na may parusang prision mayor( 6 years and 1 day to 12 years na pagkabilanggo) at multa na P1libong piso. Sa dami ng ganitong mga pangyayari, ipinasa ang RA 11222, na nagbigay ng 10 taon amnestiya mula 2019 , para maiwasto ng magulang na dumaan sa shortcut, ang pagkakamali sa pamamagitan ng “ADMINISTRATIVE ADOPTION” na iproproseso ng DSWD, hindi na sa hukuman.

Ang konsepto ng pag-ampon ay nasa Bagong Tipan din. Sa paskong darating, nawa ay maunawaan natin na tayong naniniwala kay HesuKristo bilang Diyos at dakilang manunubos , ay inampon ng Panginoong Diyos Ama upang maituring na mga anak din niya at tagapagmana ng kanyang kaluwalhatian( Galatia 4:5-6). Bilang mga ampon ng Diyos, lehitimong anak niya tayo at dapat kumilos ng naaayon sa kanyang kalooban.

AUTHOR PROFILE