Default Thumbnail

Traffic advisory sa may motorcade!

December 11, 2021 Marlon Purification 349 views

Marlon PurificationAYAW kong sawsawan ang sisihan portion kapag may naaabala tuwing may nagaganap na political motorcade.

Unfair kasing isisi ito sa mga kandidato at lalong unfair ding isisi sa mga supporters ng bawat kandidato.

Hindi kontrolado ng bawat kandidato ang gagawing reaksiyon ng kani-kanilang supporters at iyong ibang supporters naman ay hindi na nila namamalayan ang kakaibang enerhiya na ‘sumasanib’ sa kanila sa tuwing nakikita ang kani-kanilang hinahangaang idolo.

Sa nangyaring Quezon City UniTeam caravan ng tambalang Bongbong Marcos at Sara Duterte noong nagdaang Miyerkules ay hindi natin malaman kung sino ba ang nagsasabi ng totoo. Ang kampo ba ni Mayor Joy Belmonte o ang panig ng katunggali niyang si Congressman Mike Defensor?

Kung pinayagan lang naman talaga ni Mayora ang hiling na mag-rally ang BBM-Sara UniTeam sa loob ng Quezon City Memorial Circle baka hindi mag-antay sa labas ang daang libong bilang na tagasuporta ng dalawa.

Ang kaso, dahil sa matinding hidwaan nina Belmonte at Defensor, may kulay pulitika na rin ang mga katwirang lumalabas sa kanila patungkol sa naganap na ‘carmagedon.’

Kahit sinong organizer din siguro ang mamuno rito kung ganon karami ang tao, tiyak na masisira ang ulo.

Kitang-kita sa video na talagang gumigitna sa kalsada ang mga tagasuporta.

Huli akong nakakita ng ganito kakapal na tao na sinasalubong ang isang kandidato sa kandidatura ni Fernando Poe Jr., bilang presidente ng Pilipinas noong taong 2004.

Karamihan, sa mga probinsiyang aming pinupuntahan, kahit pababa pa lang ang helicopter na sinasakyan ni FPJ ay sinasalubong na ng tao. Kaya ang nangyayari tuloy, biglang nada-divert
ang paglabag ng chopper.

Alam ko ito dahil isa tayo sa mga embedded reporters noon na kino-cover ang kampanya ng tatay ni Senadora Grace Poe.

Samantala, may mga mala-super spreader event ding eksena sa sa tuwing nagmo-motorcade ang iba pang presidential contender tulad nina Senador Manny Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno.

Si Pacquiao sa tuwing namimigay ng pera ay talagang dinudumog ng madla. Gayundin si Isko talaga namang pinagkakaguluhan at pinagkakatilian.

Nagkataon lang talaga na mas makapal ang naging tao sa nagdaang BBM-Sara UniTeam caravan. Siguro nasabik lang nang husto ang mga tao para masilayan ang tinaguriang Tigre ng Norte at Agila ng South.

Isa rin sa nagpa-agit marahil kung bakit may gigil na magpakita ng suporta ang mga Marcos at Duterte loyalists dahil sa tuwing may nagaganap na ‘caravan’ ng mga kasama nilang taga-suporta sa ibang probinsiya ay madalas minamaliit ito ng mainstream media.

Maaaring hindi napapansin ng ‘news department’ ng bawat tv at radio network. Pero hinahanap po talaga ng tao ang patas na pag-uulat nila sa bayan kung ano ang kaganapan ng mga hinahangaan nilang kandidato.

Ang kaso, iyong ibang nasa ‘editorial department’ ng ilang broadcast media ay sinasadyang ibaon ang istorya ng Marcos-Duterte tandem.

At habang ginagawa ito, lalo lang nanggigigil ang tao na magpakita ng maigting nilang suporta.

Kaya ang labis na naapektuhan tuloy ay iyong mga ordinaryong tao na may gagawin sanang ordinaryong lakad – tulad ng nangyari sa Quezon City UniTeam caravan.

Humingi na ng paumnahin ang kampo nina BBM-Sara.

Kahit si Senador Pacquiao ay humingi rin dispensa nitong nagdaang Huwebes dahil nakalikha rin daw sila ng trapik sa naturang lungsod.

Sa ganang akin, dapat siguro ay maglabas na ng advance na advisory ang bawat kampo ng presidential candidates.

Dapat kung hindi man nila kasundo ang mga local government units na lalapagan ng kanilang kampanya ay maglabas ng masinsinang anunsiyo hindi lang sa mainstream media kundi sa lahat ng social media platform.

Nangyayari naman ito ngayon sa ilang partido, pero sana mas paigtingin pa nila ang paglalabas ng advisory para maabisuhan ang lahat.

Upang maiwasan na ang sisihan at maiwasan pang lalo ang siraan.

At higit lalo, mabawasan din ang maaabalang tao sa isang uri ng kampanyang tunay namang nagpapasigla sa demokrasya.

Bukod nga pala sa isyu ng trapik at hawaan ng COVID-19, may isyu ng seguridad din akong kinatatakutan para sa ating mga kandidato.

Na sana ay ma-address din ng kani-kanilang kampo dahil hindi malayong madiligan ng dugo ang presidential elections — at huwag naman sana!