
PNP todo suporta sa EDSA rehab
INIHAYAG ng Philippine National Police (PNP) ang buong suporta kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking ligtas ang publiko at maayos ang daloy ng trapiko sa kabila ng rehabilitasyon sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).
Sinabi ni PNP chief General Rommel Francisco Marbil na tutulong sa lahat ng ahensiya ng gobyerno na inatasan ng Pangulo na bigyang prayoridad ang preparasyon para sa rehabilitation ng 23.8-kilometer long EDSA.
Nagpalabas na ng direktiba si Executive Secretary Lucas Bersamin tungkol sa naturang bagay noong nakaraang Marso 24. Ang utos panatilihing magaan ang trapiko mula Monumento hanggang Roxas Boulevard sa kabila ng nakatakdang EDSA rehab.
Sa pulong na pinangunahan ng Office of the President, inilahad ng Department of Public Works and Highways, Department of Transportation, Metro Manila Development Authority at Department of Budget and Management ang kanilang mga plano upang mapagaan ang inaasahang pagsisikip ng trapiko sa panahon ng rehabilitasyon.
Magpapakilos ang PNP ng mga traffic management units upang tumulong sa pagpapatupad ng mga hakbang tulad ng pagpapatuloy ng EDSA bus lane, pagpapalawig ng oras ng MRT-3, pagdagdag ng mga tren at bus at pagsusuri ng DOTr sa pagpapalawak ng TNVS operations.
Ipapatupad din ng MMDA ang odd-even scheme at shared lanes para sa mga bisikleta at motorsiklo.
Binanggit ni Gen. Marbil ang kahalagahan ng papel ng PNP sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan habang isinasagawa ang proyekto.
Kabilang sa mga tinalakay ang pagbibigay ng P8 bilyong pondo sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act at ang direktiba ng Pangulo na sanayin at ihanda ang mga traffic management personnel para sa maayos na implementasyon ng proyekto.
Ang EDSA rehabilitation simbolo ng adhikain para sa modernisasyon ng imprastruktura, disiplina at pagkakaisa tungo sa pambansang kaunlaran.
Isa itong konkretong hakbang sa pagbibigay ng mas maayos at episyenteng transportasyon para sa bawat Pilipino.