PLM

PLM president nag-resign!

September 13, 2023 Marlon Purification 190 views

NAGBITIW na bilang presidente ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) si Professor Emmanuel Leyco.

Ito’y matapos kuwestiyunin ng Commission on Higher Education (CHeD) ang kawalan ng ‘doctorate degree’ ni Leyco na isang kilalang economic professor sa bansa.

Nabatid na isang resignation letter ang ipinadala ni Leyco sa tanggapan ni Manila Mayor Honey Lacuna at magiging epektibo ito sa September 29.

Ang pagbibitiw ay nag-ugat matapos maglabas ng resolusyon ang CHeD na ibinabasura ang exemption ng PLM sa minimum requirement ng ‘institutional recognition for Local Universities and Colleges.’

Posible aniyang maging dahilan ito upang matanggal ang PLM sa mga listahan ng Unibersidad na may Free Higher Education Program.

Isa sa requirement na sinisilip ng CHeD ay ang kawalan ng ‘doctorate degree.’

Samantala, malungkot ngayon ang buong PLM community hinggil sa ulat na nag-resign na ang isa sa pinakamagaling na presidente ng kanilang pamantasan.

Isang academe mula sa PLM ang nagsabing posibleng ‘napulitika’ si Leyco kaya napilitan itong mag-resign.

“May mga PLM president na kami na walang doctorate degree. Isa riyan si Atty. Adel Tamano pero hindi kami ‘nagulo’ ng ganito,” anang isang college professor na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Ang PLM ay itinatag at pinagtibay ng Kongreso sa pamamagitan ng Republic Act No. 4196 noong June 1965.

Dahil mismong Kongreso at Palasyo ng Malakanyang ang nagpatibay sa RA 4196, hindi maituturing na isa lamang ‘local universities’ ang PLM, kumpara sa ibang pamantasan na itinatag sa pamamagitan ng local government council resolution.

Kahilera ng PLM ang University of the Philippines (UP) na itinatag sa pamamagitan naman ng Act No. 1870 ng Philippine Assembly noong taong 1908.

Ang UP ay nagkaroon din ng mga presidenteng walang doctorate degreee.

Ilan sa kanila ay sina United Nation General Assembly President Carlos P. Romulo, Senate President Eduardo Angara, Atty. Danilo Concepcion at ngayo’y Department of Trade and Industry Sec. Fred Pascual.

May sariling charter governing operations ang PLM, gayundin ang plantilla, personnel, faculty selection at fiscal autonomy, anang isang academe member.

Wala mang doctorate degree, isa si Leyco sa kinikilalang economic professor sa Pilipinas.

Katunayan, maging lahat ng mainstream, broadcast at digital media ay si Leyco ang paboritong kapanayamin dahil sa ‘objective’ nitong pananaw at pag-aanalisa patungkol sa takbo ng ekonomiya ng bansa.

Naging officer-in-charge ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), si Leyco ay nagsilbi rin bilang Undersecretary for Finance and Administration ng nasabing kagawaran.

Tulad ng PLM, produkto si Leyco ng public school na nag-aral sa Dr. Alejandro Albert Elementary School sa Sampaloc, Ramon Magsaysay High School at Claro M. Recto High School hanggang sa makatapos ng Bachelor of Arts in Behavioral Science sa Dela Salle University.

Nagtapos si Leyco ng Master of Arts in Organizational Psychology sa Columbia University, Master in Public Administration sa Harvard Kennedy School of Government at naging professor sa Asian Institute of Management (AIM).

Isa siyang ‘true-blooded’ Manileno.

Sa ilalim ng liderato ni Leyco, ang PLM ang isa sa may pinakamataas na ratings pagdating sa mga board exams, partikular na sa medisina, nursing at engineering.

Higit na napatatag ni Leyco ang kalidad ng edukasyon ng PLM at naihanay sa mga kilalang unibersidad ng Pilipinas, tulad ng UP, Ateneo, La Salle, Mapua at UST.