Default Thumbnail

Pintor nagulungan ng tractor head, dedo

May 4, 2022 Edd Reyes 274 views

HALOS malasog ang katawan ng 41-anyos na pintor nang magulungan ng dambuhalang tractor head Miyerkules ng gabi sa Caloocan City.

Namatay kaagad ang biktimang si Dexter Cabug-Os, residente ng Malaya St. Bgy. 26, Caloocan City habang nadakip naman nina P/SSgt. Rey Legemna at P/Cpl. Boy Chico, pawang nakatalaga sa Malabon Police Sub-Station 5 na nasa malapit lamang sa lugar na pinangyarihan ng aksidente, ang tsuper ng tractor head na si Jeffrey Bombales, 34, stay-in sa E. CTS Trucking, Orteas Bacoor Blvd. Ligas 2 Bacoor City, Cavite.

Sa ulat na isinumite ni traffic investigator P/Cpl. Froilan Dela Rosa kay Caloocan Police Chief P/Col. Samuel Mina, Jr. tinatahak ng biktima, sakay ng kanyang bisikleta, ang kahabaan ng Dagat-Dagatan Avenue, Bgy. 8 dakong alas 8:48 ng gabi nang matumbok siya ng isang Mitsubishi Super Great tractor head na minamaneho ni Bombales pagsapit sa kanto ng Lapu-Lapu Avenue.

Sa lakas ng pagkakasagi, tumilapon ang biktima sa sinasakyang bisikleta at napailalim sa tractor head kaya’t nagulungan ang kanyang katawan ng kanang gulong ng dambuhalang sasakyan.

Ayon kay Col. Mina, iprinisinta na sa piskalya ng Caloocan City si Bombales para sa inquest proceeding kaugnay sa kasong “reckless imprudence resulting in homicide” na kanyang kakaharapin.

AUTHOR PROFILE