Default Thumbnail

Pine trees simbolo ng siyudad ni Mayor Magalong

August 11, 2021 Vic Reyes 438 views

Vic ReyesMALAPIT na ang paghahain ng Certificate of Candidacy para sa 2022 polls.

Pero hanggang ngayon, sa tingin natin ay nahihirapan pa ang mga kakandidato sa pagka-pangulo at bise presidente na bumuo ng alyansa sa iba’t ibang grupo.

Madugo kasi ang negosasyon.

Hindi basta papayag ang mga kasali sa negosasyon sa gusto ng pinakamalaking partido.

Pipili sila ng bubuo ng kanilang senatorial ticket at hindi naman magpapalamang ang bawat grupo.

Ang isa pang masalimuot na usapan ay tungkol sa mga kakandidato sa mga lokal na posisyon, lalo na ang mga kakandidato sa pagka-gobernador, alkalde at congressman.

May kanya-kanyang mga bata ang mga lider ng mga partido.

Nandyan pa ang mga bubuo ng gabinete kung mananalo ang kanilang presidente.

Hindi lang ‘yan, madugo rin ang pagpili ng mga mamumuno sa BoC, BIR, PNP at AFP.

Kaya sa tingin natin ay baka tatlo o apat lamang ang tatakbo sa pagka-presidente aa darating na eleksyon.

Kayo, ano ang tingin niyo?

***

Sa buong mundo, kilala ang Baguio bilang “City of Pines.”

Pero ang malungkot, unti-unti ng nawawala ang pine cover ng summer capital ng bansa,

Maliban sa pagputol ng mga puno sa ngalan ng “progress and development” nandyan pa ang mga peste.

Sa pag-aaral na ginawa ng Beguet State University sa pakikipagtulungan ng pamunuan ng Camp John Hay, ang mga “Bark Beetle” ang pinaniniwalaang dahilan kung bakit marami ng puno ang namamatay.

Ayon sa record, mula 2015 hanggang 20l9, may 2,000 pine trees na ang pinatay ng mga peste.

Kamakailan ay iniutos ni DENR Secretary Roy Cimatu na magsagawa ng bagong imbentaryo ng forest cover ng syudad.

May mga nagsasabi ring malaki ang epekto ng climate change sa nangyayaring unti-unting pagkamatay ng mga pine tree sa Baguio City.

Naniniwala tayong hindi papayagan ni Mayor Benjie Magalong na basta na lang maglaho ang punong pino sa syudad.

Simbolo ng kanyang syudad ang mga pine tree.

Sa pagtutungan nina Sec. Cimatu at Mayor Magalong, dalawang heneral na graduate ng PMA, siguradong maayos ang problema sa City of Pines.

Tama ba, Usec. Benny Antiporda?

***

Mabuti na lang kahit may pandemya, nagtatrabaho ang mga taga-Bureau of Customs, Philippine Coast Guard at Armed Forces of the Philippines.

Kung hindi ay baka abot tainga ang ngiti ng mga ismagler.

Isang bodegang naglalaman ng mga puslit na pekeng produkto ang sinalakay ng mga tauhan ng BoC, PCG at AFP.

Ang halaga ng mga kontrabando? Tumataginting na P7.4 bilyon.

Ang mga pekeng produkto ay kinabibilangan ng sapatos, bag at damit.

Sinabi ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero na ito ang pinakamalaking huli nila sa isang operasyon.

Kinumpiska na ng BoC ang mga kontrabando.

Congrats, BoC, PCG at AFP!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0969) 037 7083/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE