Default Thumbnail

Pinagkakakitaan lang ang nuclear energy issue

May 10, 2023 Allan L. Encarnacion 284 views

Allan EncarnacionIYONG naunang banta ng malawakang brownout ay naging katotohanan na.

Kinumpirma ng NGCP at ng Meralco na aabot sa dalawang oras ang pagkawala ng kuryente sa iba’t ibang parte ng Luzon dahil sa kakapusan ng supply.

Noong huling quarter ng 1990, dumanas ng massive power outage ang Metro Manila. Ngayon, mukhang babalik ang ganitong senaryo dahil sa sinasabing kakapusan sa supply ng kuryente mula sa ating mga sources.

Sa ibang bansa gaya ng Singapore, Hong Kong, sa Amerika or sa Europa, ang insidente ng brownout ay isang “taboo” o napakasagwa. O, baka nga ang salitang brownout ay hindi pa nila narinig. Isang malaking eskandalo sa gobyerno at mag-aaklas ang mga tao kapag nangyari sa kanila ang dalawa hanggang anim na oras na walang kuryente.

Dito sa atin, matapos ang maraming dekada, iyong mga dinaranas nating pagkawala ng kuryente ay paulit-ulit na nangyayari. Hindi natin masyadong naiintindihan kung paano ang proseso ng pag-produce ng kuryente, ang pagpapadaloy nito sa ating mga kable hanggang pumasok sa ating mga tahanan.

Ang mas madaling unawain, kapag pinindot mo ang mga switch sa bahay, dapat may sisinding ilaw, kapag isinaksak mo ang mga kable ng iyong electric fan, dapat umiikot. Ganoon lang tayo, ignorante tayo sa proseso pero alam nating malaki ang pinsala kapag nagsisimula na namang magbanta ng pagkawala ng supply ng kuryente.

Paulit-ulit lumulutang ang isyu ng pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant na naitayo sa panahon ng matandang Marcos. Pinaagiwan at pinakapitan lamang sa talaba ng Cory government pero kahit ganoon ay nagbayad tayo ng daan-daang milyong dolyar sa kompanyang nagtayo nito, ang Westinghouse na gumastos ng US$2.3 billion para sa konstruksiyon noong 1976.

Mas gusto pa ng ibang lider na magbayad sa walang pakinabang sa bayan masunod lang ang kanilang political vendetta. Ang problema, kapag nagsisimula nang umusad ang usapin sa pagbuhay sa nuclear energy, maraming mga proganda ang naglalabasasan. Delikado raw, baka sumabog daw, baka makalason sa hangin at tubig kapag tumagas.

Pero sa buong mundo, halos lahat ng bansa ay nuclear energy na ang ginagamit. Ang Japan ang isa pinakamaraming nuclear power plant.

Katunayan, nalindol at natsunami pa ang power plant nila pero wala nang nangyaring pagsabog at wala ring naging tagas sa tubig.

Ang ibig sabihin, ang mga nagpapakana rin ng takot sa nuclear energy dito sa atin ay ang mga maapektuhan ng kita, ang mga “masusunugan ng tabakuhan”, ang mga grupong protektor ng mga negosyante at ang mga lobby groups na mawawalan ng kita.

Kaya masyadong mataas ang kuryente dito sa atin ay dahil sa monopolyo at mahal ng production ng energy. Ang per kilowatt hour natin ay nasa P14 hanggang P17. Kung ikukumpara sa China, Japan at mga bansang may nuclear energy ay nasa P8 hanggang P9 lang per kilowatt hour. Baka nga sa iba, nasa P6 lang.

Ang totoo, naghahanap tayo ng mga pulitiko na magsasabi ng totoo, iyong magsusulong talaga ng nuclear energy at hindi masusuhulan kahit bigyan pa ng ga-bundok na pera.

Dahil wala pang nararating na nucear energy ang bansa matapos ang mahigit tatlong dekada, ibig sabihin, iyong mga maingay noon ay napagkakitaan lang ang isyu. Sisigaw ng nuclear energy para labanan daw ang mataas na kuryente at mawaisan ang brownout.

Pero kalaunan, sila lang ang nabigyan ng mataas ng suhol mula sa kuryente at nauna pang nag-blackout ang mga voice box sa hindi pagkibo.

Ngayong nangyayari na naman ang blackout sa mga bahagi ng Luzon at malapit nang tamaan ang Metro Manila, hintayin natin ang mga mag-iingay ulit at kung paano sila susuhulan para manahimik.

Buhay pa kayo!

[email protected]