Allan

People power: Ang konsepto ng rebolusyon

February 23, 2024 Allan L. Encarnacion 156 views

BIHIRA akong makakita ng rebolusyon na nagtapos sa totoong pagbabago.

Makailang beses na bang nagkaroon ng rebolusyon sa Thailand, sa Myanmar, sa Cambodia at sa iba pang mga bansa sa Europa? Baka Thailand lang ang puwedeng Exhibit A na paulit-ulit ang rebolusyon pero may nararating ang kanilang bansa. Salamat sa kanilang monarkiya.

Bagama’t rebolusyon ang disenteng katawagan, ang totoong taguri sa kanya ay military junta. Wala namang plain and simple people’s revolution na nagtagumpay nang walang sangkap na militar.

Huwag na tayong lumayo, dito lang sa atin, ang Edsa people power revolution laban sa matandang Marcos at ang Edsa dos laban kay Erap ay parehong naging matagumpay sa tulong ng mga militar.

Ngayong linggo mula Feb 22 hanggang 25 ay ginugunita ang Edsa revolt na tumapos sa administrasyon ni FM at nagbigay ng daan sa Cory government noong 1986.

Ang January 21, 2001, naman, iyon ang rebolusyon naman na nagtanggal kay Erap at nagluklok kay GMA.

Kapag inaral nyong mabuti ang dalawang malaking event na ito sa ating bansa, maiisip nyo kung paano nagsimula at kung paano nagtapos. Sina Cory and VP Doy Laurel ay maaga nag-away, nagkawatak-watak lahat ang kanilang mga kasamahan, lalo na ang partidong Laban at Unido. Sina former President Gloria ay inabandona ng Hyatt 10, sina Andres Bonifacio at General Emilio Aguinaldo ay hindi rin nagkasundo. Nauwi pa nga sa pagpaslang kay Bonifacio na pinapatay pa ng kapwa niya Pilipino sa pamamagitan patraydor na pagsaksak sa lalamunan.

Sa magkakaparehong senaryo, sa umpisa ay magkakasama ang lahat, lalo na ang mga nagpapasimuno. Hindi sila tumitigil hanggang walang nakukuhang “critical mass” o iyong mga taong susuporta sa kanilang kausa o krusada. Iyong military components, mayroon na yan simula pa lang pero nakatago lang muna sila.

Ang tawag nila sa military faction na sumasali sa rebolusyon ay mga unipormadong liyamadista dahil lumalantad lang sila kapag kita na ang panalo. Kapag ramdam nilang matatalo, walang lalantad na suporta mula sa sundalo. Kapag natalo, nirerespeto nila kuno ang Chain of Command at ang Konsitusyon pero kapag nanalo ang rebolusyong sinalihan nila, nirerespeto naman nila ang boses ng tao. Flexible di ba?

Ibig sabihin, hindi lang laway-protesta ang rebolusyon, mayroon din itong armed components.

Kahit noong panahon ng mga KKK, hindi naman purong pagpunit ng sedula lang at Unang Sigaw sa Balintawak with tabak ang ginamit sa kanilang rebolusyon, may mga itak at baril din sila. Pero olat o talo naman tayo sa rebolusyon laban sa mga dayuhan noon. Aminin na natin na kaya tayo nanalo at nagkaroon ng kasarinlan ay sa tulong din ng mga dayuhan—na may malalakas na armas!

Pero ang pagkakatulad ng Edsa 1, Edsa 2 at KKK revolution, iyong mga magkakasama sa laban, kalaunan ay nag-away-away din sa kapangyarihan at pera. Kapag kasi nagtagumpay na ang mga nasa sirkulo ng rebolusyon, nagsisimula na sila ng konsepto ng “one for you, 2 for me.” Ibig sabihin, nagsisimula na rin silang maggulangan.

Nagsusumbatan na sila ng partisipasyon: kung wala ang grupo namin, hindi tayo magtatagumpay, kung hindi sa amin, sino ka, kung wala ako, wala ka rin!

Ganoon palagi nagtatapos ang rebolusyon kaya sa bandang huli, makikita mong hindi rin naman ang bansa at lalong hindi rin naman ang mga mamamayan ang kanilang ipinaglaban. Iyon nga ang malungkot, kapag magbabaik-tanaw tayo sa dalawang Edsa, ang palaging markado ay iyong mga dating naka-jeep na lider-liderlan ng rebolusyon ay naka-mercedez benz na, iyong mga nagsasalita at sumisigaw ng pagbabago sa entablado na dating nakatira sa gilid-gilid ng bangketa ay nasa Forbes at Dasmarinas Village na.

Samantala, iyong nasa baba ng entalado, may hawak ng bandila, naiinitan at nauulanan sa laban, nahahataw at nakakanyon pa ng tubig kung minsan, pinaiiyak ng tear gas, hayun, isang kahig at isang tuka pa rin!

Ngayon, paano mo sasabihing people power revolution ang isang pagkilos para baguhin ang pamahalaan at lipunan kung sa totoong kasaysayan, iilan lang silang nakikinabang?

O, ngayon, sasama ka pa ba sa isang Edsa?

[email protected]