PBBM, Concepcion tinalakay kalusugan, ekonomiya, MSMEs
NAKIPAGPULONG si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Presidential Adviser for Entrepreneurship and Go Negosyo founder Joey Concepcion noong Hunyo 15 para talakayin ang mga mahahalagang isyu na nakakaapekto sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) ng bansa, partikular ang kalusugan at ekonomiya, at ang epekto sa negosyo ng patuloy na krisis sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sa courtesy call kay Marcos Jr. na naganap sa kanyang campaign headquarters sa Mandaluyong City, nagkasundo sina Concepcion at Marcos na ang MSMEs ay magiging mahalaga sa kaunlaran ng bayan. Ang sektor, na binubuo ng 99.5 percent ng lahat ng negosyo sa Pilipinas, ay pinanggagalingan ng 62.6 percent ng mga trabaho.
Sa pagpupulong, tiniyak ni Marcos na tututukan ng kanyang administrasyon ang mga MSME. Humingi rin siya ng mga mungkahi ni Concepcion kung ano ang higit na kailangan ng sektor sa pagbangon ng bansa mula sa pandemya. “Our MSMEs need access to money, market and mentorship opportunities,” ani Concepcion, bilang pagtukoy sa mga programa ng non-profit na Go Negosyo, na kanyang itinatag noong 2005. Idinagdag ni Concepcion na magiging mahalaga ang money, o puhunan, lalo na ngayong ang giyera sa Russia at Ukraine ay patuloy na nagdudulot ng pagtaas ng mga bilihin at pagkagipit ng mga negosyante.
Ibinahagi ni Concepcion kay Marcos kung paano masusuportahan ng malalaking korporasyon ang mga MSME sa pamamagitan ng pagsasama sa kanila sa kanilang value chain, upang matulungan silang umunlad at isulong ang ekonomiya ng bansa.
Malugod na tinanggap ni Marcos ang pagpapatuloy ng mga hakbangin upang mapadali ang pag-adopt ng mga MSME sa digital economy, kabilang na ang mga pinasimunuan ng Go Negosyo sa kasagsagan ng mga lockdown. Ibinahagi ni Concepcion sa papasok na Pangulo kung paano nagawang online ng Go Negosyo ang mga in-person mentoring program nito, partikular ang mga proyekto nito kasama ang Department of Trade and Industry, Department of Agriculture, at Department of Tourism. Gamit ang teknolohiya, napalawak din ng Go Negosyo ang mga naabot na MSMEs sa buong kapuluan.
Ibinahagi din ni Concepcion sa papasok na Pangulo ang mga hakbanging pang-kalusugan ng Go Negosyo sa panahon ng pandemya. Sinabi ni President-elect Marcos na kailangang laging iugnay ang kalusugan ng mga tao at ang ekonomiya ng bansa. “I suggested to the President-elect that we should eventually have to plan how we can move out of a pandemic mindset to ensure our country’s economic growth,” sabi ni Concepcion.
Inulit din niya sa hinirang na Pangulo ang kanyang panawagan na iangat ang state of public health emergency at ang tuluyang pag-alis ng mga alert level, habang ipinagpapatuloy ang pagbabakuna. Iminungkahi rin ni Concepcion ang pagbibigay ng Certificate of Product Registration para sa mga bakuna sa Covid upang ang mga ito ay maaari nang bilhin sa botika ng mga gustong mabakunahan.
Inilarawan ni Concepcion ang pagpupulong bilang “makahulugan at puno ng pag-asa,” at ang hinirang na Pangulo bilang bukas at malugod na tumatanggap sa mga mungkahi. “It was a productive discussion between two people who have heard of each other but never had the chance to meet in person,” sabi niya. Naroon din sa pulong sina incoming Executive Secretary Vic Rodriguez at Go Negosyo Lead Adviser Josephine Romero.
“We both agree that MSMEs should be supported if we are to realize inclusive growth for the Philippines,” ani Concepcion.
Nangako ang founder ng Go Negosyo na hihikayatin ang pribadong sektor sa mga layunin na kasama ang administrasyong Marcos, at makikipagtulungan kay incoming Trade Secretary Alfredo Pascual upang ipagpatuloy ang pagbibigay ng access sa money, market at mentorship sa mga MSME.
“Ako ay tiwala na sa ilalim ng Marcos presidency, at sa nagkakaisang pagsisikap mula sa pribadong sektor, tayo ay may pagkakataon na maisakatuparan ang inclusive growth at kaunlaran para sa lahat,” sabi ni Concepcion.