Pastor Arestado ang suspek na isang “pastor” matapos dumulog ng 19-anyos na dalagang biktima sa tanggapan ni PMaj. Edward Samonte, chief ng District Special Operation Unit ng Manila Police District, upang magsumbong na siya’y ginahasa ng akusado.

‘Pastor’ suspek sa rape ng 19-anyos dalaga, tiklo

September 18, 2023 Jonjon Reyes 929 views

NATIMBOG ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Special Operation Unit ang isang “pastor” na itinuturing na most wanted person sa district level, sa bisa ng warrant of arrest dahil sa mga kasong lascivious conduct, acts of lasciviousness at rape.

Kinilala ang akusado na si Pastor Mike, 46-anyos at residente ng Caloocan City.

Sa ulat ni Police Major Edward Samonte, bagong hepe ng District Special Operation Unit (DSOU) ng MPD na siyang nanguna sa isinagawang manhunt operation, natimbog ang akusado bandang 1:50 ng hapon.

Bitbit nila ang arrest warrant na inilabas ni Glenda Cabello Marin, presiding judge ng Regional Trial Court Branch 124 ng Caloocan City, na may petsang Sept. 7, 2023, para sa nabanggit na mga kaso.

Ang akusado ay inatasang magbayad ng piyansa na may halagang P200,000 para sa kasong lascivious conduct sa ilalim ng Section 5(B) ng Republic Act 7610, o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, at P36,000 naman para sa kasong acts of lasciviousness.

Walang inilaang piyansa para sa kaso nitong rape.

Bago naaresto ang suspek, nagtungo ang biktima na itinago sa pangalang “Rosa,” isang 19-anyos na dalaga, kasama ang kanyang ina sa tanggapan ni Samonte upang magsumbong kaugnay sa ginawa sa kanya ng suspek. Dahil dito, nagkaroon ng warrant of arrest laban sa akusado.

Agad na ikinasa ang operasyon at nagtungo sa nasabing lugar ang pulisya matapos mapag-alaman na naroon ang suspek. Dito na pinosasan ang akusado at inaresto ng MPD-DSOU.

Nagpaabot ng papuri at pasasalamat si “The Game Changer General” Police Brigadier General Andre P. Dizon, ang chief ng MPD, sa agarang aksyon ng kanyang mga kapulisan sa pamumuno ni Samonte.

AUTHOR PROFILE