BEBOT TUMANGGI SA SEX, PINATAY!
PAGTANGGING makipagtalik ang motibo sa ginawang pamamaslang ng dalawang lalaking nahagip sa kuha ng CCTV noong madaling araw ng Setyembre 10 sa Pasay City.
Ito ang lumabas sa imbestigasyon ng mga tauhan ni P/Capt. Dennis Desalisa, hepe ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Pasay police, matapos nilang madakip ang isa sa dalawang suspek na si Joshua Albior, 25, sa follow-up operation Linggo ng gabi sa harap ng Moonwalk Public Market sa Talon 4, Las Piñas City.
Sa nakarating na ulat kay Southern Police District Director P/BGen. Roderick Mariano, dakong alas-9:45 ng gabi nang lusubin ng mga tauhan ng IDMS at Intelligence Section ng Pasay police ang bahay na tinutuluyan nina Albior at kasama niyang si Gelbirth Albios Puerto, alyas “Ulbert Puermo,” sa Talon 4 sa Las Piñas City.
Positibong nakilala ng pulisya ang dalawa sa ginawang pagrebisa sa mga kuha ng CCTV camera sa lugar na sila ang bumaril at nakapatay sa biktima na residente ng Barangay 7 noong alas-2 ng madaling araw ng nakaraang Linggo sa harap ng Venus Court Hotel sa San Juan Street.
Nang pasukin ng pulisya ang bahay na tinutuluyan ng dalawang suspek, dinatnan nila si Albior na kaagad tumalon palabas ng bintana patungo sa bubungan ng Moonwalk Public Market, hanggang tuluyang madakip matapos ang maikling habulan.
Samantala, nagtatago naman ang kasama niyang si Puerto.
Nang dalhin sa tanggapan ng IDMS ng Pasay police, inamin ni Albior na kasama siya nang barilin ni Puerto ang biktima matapos umanong tumangging makipag-sex ng biktima nang pumasok sila sa isang hotel noong Setyembre 9, isang araw bago ang pamamaslang.
Gayunman, malinaw sa kuha ng CCTV na dalawa silang bumaril sa biktima habang magka-angkas sa isang motorsiklo.