Quiboloy

PASTOR QUIBOLOY MA-E-EXTRADITE?

December 15, 2023 People's Tonight 126 views

Dahil sa umano’y ‘sex trafficking’?

MA-E-EXTRADITE kaya si Pastor Apollo Quiboloy, ang lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC)?

Lumabas ang tanong na ito matapos na magdesisyon ang isang hukom sa Estados Unidos na magtakda ng bagong petsa ng paglilitis sa kasong kinakaharap ni Quiboloy at ilan pang indibidwal sa Los Angeles, California.

Si Quiboloy at ang kanyang mga kasama ay nahaharap sa kasong “conspiracy to engage in sex trafficking through force, fraud, and coercion.”

Sa isang utos na nilagdaan ni U.S. District Judge Terry Hatter Jr., ang simula ng pagdinig ay inilipat mula Marso 19, 2024, patungong Nobyembre 5, 2024.

Ang desisyon ng korte ay bunsod ng mga inihain ng US prosecutor at mga defendant na sina Felina Salinas, Gaia Cabactulan, Marissa Duenas, Amanda Estopare at Bettina Padilla Roces, na tumutukoy sa pagiging komplikado ng kaso sa ilalim ng Speedy Trial Act.

Ang mga defendants ay inutusan na humarap sa Courtroom 9B ng Federal Courthouse sa Los Angeles sa Nobyembre 5, 2024, alas-10 ng umaga.

Sa 74-pahinang reklamo, inakusahan si Quiboloy at iba pang opisyal ng KOJC na bumuo ng isang sex trafficking operation.

Pinagbantaan umano ng “eternal damnation” at sinasaktan ang mga biktima na 12-anyos ang pinakabatang edad.

Nire-recruit umano ang mga babae na edad 12 hanggang 25 bilang personal assistants, o “pastorals” na mayroong iba’t ibang trabaho kasama na ang pakikipagtalik o “night duty.”

Bago ang pagdinig sa Amerika, inaasahan na sasailalim sa imbestigasyon ng Senado ng Pilipinas si Quiboloy bunsod ng inihaing resolusyon ni Sen. Risa Hontiveros.

Sinabi ni Hontiveros na hawak nito ang iba’t ibang testimonya at mga affidavit na naglalaman ng mga akusasyon laban kay Quiboloy.

Naunang lumabas sa mga ulat na isang biktima ng panggagahasa ang magsisilbing saksi sa imbestigasyon ng Senado sa Enero.

Inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution (SR) No. 884 para paimbestigahan ang mga maling ginagawa ni Quiboloy sa mga tagasunod nito.

Nanawagan din ang senadora sa Department of Justice (DOJ) na magpalabas ng immigration lookout bulletin order laban kay Quiboloy upang hindi ito makapagtago sa ibang bansa.

Tinuligsa naman ni Ferdinand Topacio, ang abugado ni Quiboloy, si Hontiveros at sinabi na dapat ay maghain na lamang ito ng kaso sa korte laban sa lider ng KOJC sa halip na mag-trial by publicity.

Sinabi ni Topacio na hindi ang Senado ang tamang venue para dinggin ang mga alegasyon.

Sa resolusyon, sinabi ni Hontiveros na si Quiboloy ang self-proclaimed na “Appointed Son of God” at lider ng KOJC na napasusunod ang mga follower nito sa pamamagitan umano ng brainwashing, psychological manipulation at pagbabanta ng eternal damnation.

Bukod sa mga pastoral na nakapaligid sa kanya, si Quiboloy ay mayroon umanong mga miyembro na nanghihingi ng donasyon o limos sa mga hindi kakilala at ang mga hindi umaabot sa quota ay pinarurusahan.

AUTHOR PROFILE