Default Thumbnail

Paslit nahulog sa barong-barong, patay sa lunod

March 3, 2022 Jonjon Reyes 324 views

NATAGPUANG patay at palutang-lutang na lamang ang 2 taong gulang na batang lalaki na hinihinalang nahulog mula sa butas ng kanilang barong barong sa Sta. Mesa, Maynila, umaga nitong huwebes.

Nakilala ang biktimang si John Lucas Almero ng Anonas St. nakatira sa Valencia, Sta. Mesa sa Maynila.

Batay sa ulat nina PSMS Dennis Suba, Det. John Teody Siguen, at Det. Christian Pineda na isinumiti kay P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, pasado alas-7:00 ng umaga, nang matagpuang wala nang buhay ang paslit sa pumping station sa Sta. Mesa ng ilang empleyado ng MMDA.

Sa report ng pulisya at kwento ng pinsan ng biktima, ang paslit ay natutulog at huli nitong nakita pasado alas-5:00 ng madaling araw at ilan dipa lamang ang layo ng kanilang tahanan mula sa MMDA pumping station.

“May nakita kaming butas sa bahay at ang ilalim nito ay ang Ilog Pasig kung kaya’t hinihinalang nahulog ang bata sa butas at nagtuloy-tuloy ito sa tubig,” pahayag ni Det. Pineda.

Gayunman, pinag-aaralan pa ng pulisya kung dapat managot sa insidente ang ina ng paslit. Nina Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE