Default Thumbnail

Pasig River, magiging pangunahing tourist spot sa Maynila

January 24, 2024 Edd Reyes 135 views

Edd ReyesPASAKALYE pa lang kung tutuusin ang inilunsad na programang “Pasig Bigyang Buhay Muli” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. pero dinadayo na ang gilid ng Ilog Pasig sa likuran ng nasunog na Manila Central Post Office dahil dito pa lang ay mukhang nakikita na ang magandang ibubunga ng programa.

Ilang administrasyon na kasi ang nagtangkang buhayin muli ng Pasig River pero hindi ito nagtagumpay kaya nang ilunsad ang programa nitong Enero 17, nai-imagine na ng marami ang magandang resulta ng proyekto dahil mismong si First Lady Louise Araneta-Marcos ang tututok at gagabay sa pagpapatupad nito.

Maging si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan nga na dumalo sa paglulunsad ay hindi naitago ang pananabik nang marinig ang talumpati ni Pangulong BBM kaugnay sa magiging kabuuan at resulta ng proyekto.

Sino ba naman ang hindi mananabik kung ngayon pa lang ay bubuuin mo na sa iyong isipan ang magandang resulta ng proyekto ni PBBM at Unang Ginang lalu na’t hindi lamang ito nakatutok sa paglilinis ng ilog kundi sa benepisyo ng maraming tao tulad ng paglalagay ng walkways, bikeways, mga parke, mga negosyong pang-komersiyo at pagpapabuti sa sistema ng transportasyon sa pammagitan ng pagdaragdag ng mga ferry boats.

Bukod pa rito ang kagandahan ng kapaligiran ng 25-kilometrong ilog dahil nais ni PBBM na maging permanente lugar ito ng pagtatanghal ng green technology tulad ng paglalagay ng mga solar lights, rain water harvesting facilities, material recovery facility, sewerage treatment plants at pati na rin pagtatanim ng mga halaman.

Wala rin daw gagastusing salapi ng pamahalaan dahil pangungunahan mismo ng Unang Ginang ang pangangalap ng pondo mula sa pribadong sektor na nais makapag-negosyo sa lugar.

Siyempre, hindi mawawala ang mga balakid sa magandang proyekto, dahil pinamugaran pa rin ito ng mahigit 5,000 pamilya ng informal settlers kaya bilang solusyon, bibigyan sila ng libreng pabahay ng Department of Human Settlements and Urban Development sa itatayong housing project sa Maynila.

Himutok ng mga vendors sa Blumentritt

Nagsisimiyento pala ang mga sidewalk vendors na umookupa sa mga lansangan ng Oroquieta, Felix Huertas, P. Guevarra at maliit na kalye ng M. Natividad, M. Hizon at Sulo na sakop ng Blumentritt dahil dinoble raw ang pangingikil sa kanila.

Takot namang lumantad ang mga vendors sa pangambang hindi na sila makapaghanapbuhay pero dahil halos wala na silang maiuwi sa pamilya, idinadaan na lang nila ang hinanakit sa pagma-Maritess sa pag-asang makarating ito sa kaalaman ni Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Arnold Thomas Ibay na kilalang may malasakit sa tulad nilang isang kahig-isang tuka.

Kung sabagay, nasaksihan natin ang pagbibigay pahintulot sa mga vendors noong bisperas ng Pasko at Bagong Taon para sakupin ang kabuuan ng lansangan na hindi nangyari sa mga nagdaang taon.

Aba’y hinay-hinay lang mga Bossing dahil may puhunan at naghahanap-buhay ng parehas ang mga sidewalk vendors para sila pigain ng husto. Kung sa laki ng gastusin ang dahilan sa pagpapahirap sa mga vendors, sana, doon na lang kumurot sa mga ilegal na sugal na namamayagpag tulad ng lotteng, EZ-2, at bookies ng karera online.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE