Default Thumbnail

Panuntunan sa paraan ng panghuhuli sa motorista rerebisahin ng MMDA

January 25, 2023 Edd Reyes 320 views

Edd ReyesIPINAPAREBISA na ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Romando Artes ang panuntunan sa panghuhuli ng kanilang mga traffic enforcers sa malalaking lansangan, partikular na kahabaan ng Commonwealth Avenue, sa Quezon City.

Sa ngayon kasi, mano-mano ang ginagawang panghuhuli sa mga motoristang lumalabag sa batas-trapiko sa mga lansangan na panganib, hindi lamang sa buhay ng mga traffic enforcers, kundi maging sa mga motorista, lalu na sa mga riders.

Bigla na lang kasing gigitna sa lansangan ang traffic enforcers na sisita sa mga traffic violators kaya nagugulat ang mga motorista, lalu na sa Commonwealth Avenue kung saan mabibilis ang mga sasakyan, kaya may posibilidad na masagasaan pa ang mga sumisita o madisgrasya sisitahin kapag bigla silang huminto at mabangga ng kasunod na sasakyan.

Naipaabot mismo kay Chairman Artes ang ganitong uri ng sitwasyon ngayon sa malalaking lansangan dahil sa dami ng natanggap na reklamo kaya’t tiniyak ni Chairman Artes na rerebisahin na ang umiiral na panuntunan sa panghuhuli sa mga motorista.

Katuwiran ni Artes, may usapin pa kaugnay sa Non-Contact Apprehension Policy (NCAP), kaya mano-mano muna ang pagsita at panghuhuli ng kanilang mga traffic enforcers sa mga pasaway na motorista bagama’t aminado siya na delikado nga ang ginagawa ng kanilang mga tauhan sa paraan ng panghuhuli.

Siguro, maiiwasan naman ang biglaang pagpunta sa gitna ng lansangan ng mga traffic enforcers para parahin ang sasakyang lumabag sa batas-trapiko kung sa halip na magtago para bulagain ang mga pasaway na tsuper ay lumantad na sila para magdalawang-isip na gumawa ng paglabag ang mga motorista

Kung malinis kasi ang intensiyon para maayos ang daloy ng trapiko, dapat ay hindi sila nagkukumpol-kumpol sa madilim na bahagi at bigla na lamang susulpot kapag may nakita ng lumabag sa batas trapiko.

Ilang lalawigan sa Region 4, paboritong taguan ng mga wanted na kriminal

BUKOD sa pagsugpo sa ilegal na droga, nakatutok ngayon ang liderato ni Police Regional Office (PRO) 4 Director P/BGen. Jose Nartatez Jr. sa panghuhuli sa mga wanted na personalidad na paboritong pagtaguan ang area ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon.

Ganito rin ang sinusundan ng mga provincial director ng mga lalawigan upang hindi na makapamerhuwisyo sa kanilang lugar ang mga wanted sa batas na may nakabimbing kaso sa iba’t-ibang hukuman sa labas ng kanilang lalawigan.

Isa kasing paraan upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa isang lalawigan ay ang pagdakip sa mga kriminal at iba pang mga sangkot sa paggawa ng iba’t-ibang uri ng krimen na karamihan ay nag-uugat sa kahirapan, paggamit ng ilegal na droga, inuman sa kalsada at pagkahumaling sa ilegal na sugal.

Dito nga lang sa lalawigan ng Rizal, lumaki ang problema ni Provincial Director P/Col. Dominic Baccay dahil bukod sa pagtugis sa mga gumagawa ng iba’t-ibang uri ng krimen, kailangan niya ring matunton ang isang alyas “Negro” at isang alyas “Albert” na sinasandalan daw ng mga ilegalista para matuloy ang kanilang ilegal na pasugalan na isa sa ugat ng paglobo ng krimen.

Kinakaladkad kasi umano ng dalawa ang ilang opisyal ng Camp Crame para bigyang basbas ang mga gustong maglatag ng ilegal na sugal kaya sa halip na masupil, lalu pang lumobo ang kanilang bilang sa maraming mga bayan sa Rizal at maging sa Antipolo City.

Dati kasi, sina alyas Rambo at alyas Boylife lang ang may ilegal na pasugalan sa Morong, Binangonan, Taytay at Montalban pero ngayon,kakumpitensiya na rin nila sina alyas Albert, Jess, Lolong, Tess, Perly at Rommel na pawang sakit ng ulo ng kapulisan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE