helen

Panukalang “eHealth System and Services Act”, lusot na sa Kamara

November 17, 2021 Ryan Ponce Pacpaco 261 views

PASADO na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala para sa pagtatayo ng Philippine Electronic Health o eHealth System and Services na lalo pang magpapalakas sa pagpapatupad ng Universal Health Care o Kalusugang Pangkalahatan sa buong bansa.

Sa nagkakaisang boto ng mga kongresista, lumusot ang House Bill No. 10245 o ang “eHealth System and Services Act” na pangunahing inakda ni House Committee on Health Chairperson Angelina “Helen” Tan ng Ika-4 na Distrito ng Quezon.

Sa ilalim ng panukala, itatayo ang sistema ng pagbibigay ng malawakang pagkakaroon ng kalidad na impormasyon ukol sa kalusugan at mga serbisyo gamit ang information and communication technology (ICT) o ang National eHealth System (NeHS).

Sa oras na mapagtibay ito, magtatayo ng isang independent body na tatawaging eHealth Policy and Coordination Council na siyang gagawa ng mga polisiya at hakbang para sa epektibong pagpapatupad ng eHealth system. Ipapatupad rin ang ilang mga aktibidad tulad ng pagsasakatuparan ng eHealth services and applications, pagsasagawa ng Human Resource for eHealth Development Plan, pagtatayo at pagmintene ng kinakailangang national ICT infrastructure upang ipatupad ang eHealth services and applications at ang National eHealth Data Center, kasama na rin ang pagpapaunlad at pagmomonitor ng strategic framework at plano na siyang gagabay sa pagpapatakbo ng NeHS.

Ang pagpapatupad ng eHealth sa sistema ng kalusugan sa bansa ay inaasahan na magdudulot ng mas pinagandang resulta ng kalusugan para sa bawat Pilipino.

Ipinaliwanag ni Tan na lubhang mahalaga ang eHealth lalo na ngayong panahon ng COVID-19 pandemic. “Lubhang mahalaga at napapanahon ang National eHealth System na ipatupad sa bansa dahil papagbutihin nito ang paglalaan ng kinakailangang serbisyong pangkalusugan ng mamamayan”, ani Tan.

Sinabi pa ni Tan na ang eHealth ay magiging mabisang paraan sa pag-aalaga ng kalusugan habang binibigyang proteksyon ang mga pasyente at mga health providers sa nakakahawang sakit na COVID-19.

“Ang pamumuhunan sa eHealth lalo na ngayon na nasa gitna tayo ng pandemya ay kinakailangan upang tiyakin ang pantay na pag-abot sa serbisyong pangkalusugan, lalo na para doon sa mga naninirahan sa geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA) at partikular na sa mga mahihirap nating kababayan”, pagbibigay diin ni Tan.

AUTHOR PROFILE