Default Thumbnail

Panawagan sa mga readers ng People’s Tonight

February 23, 2022 Edd Reyes 311 views

Edd ReyesNAIS nating tawagan ng pansin ang mga tagasubaybay ng ating pahayagang People’s Tonight kaugnay sa pagkalat ng pekeng diyaryo na may kahalintulad na logo ng orihinal na kopya ng aming pahayagan.

Sa loob nabmahigit 40-taong pamamayagpag ng People’s Tonight, hindi lamang ngayon nangyari ang panggagaya at pamemeke sa pahayagang nililimbag ng Philippine Journalist Inc. na may lehitimong editorial box kundi ilang ulit na ring nangyari ito bagama’t sa dakong huli ay nabubuko ng mga readers.

May kasabihan kasi na kapag bantog at tinatangkilik ng marami ang isang produkto, gumagawa ng paraan ang ilan para gayahin ang produkto.

Naglabas na rin ng abiso sa mga tagasubaybay ang pamunuan ng People’s Tonight upang paalalahanan ang mga Manilenyo na sumusubaybay sa aming pahayagan na iwasang maniwala sa laman ng pekeng pahayagan na karamihan ay taliwas sa katotohanan.

Ang matindi pa, may online portal ding nilikha ang pekeng pahayagan na kahawig ng orihinal at lehitimong online portal ng People’s Journal at People’s Tonight kaya’t talaga namang malilito ang aming tagasubaybay.

Nito lamang mga nakaraang araw, kumalat ang pekeng People’s Tonight sa apat na sulok ng Manila City Hall kaya’t nagkaroon ng kalituhan ang mga mambabasa dahil kaiba ang mga nilalaman nito kumpara sa orihinal na People’s Tonight.

PEKENG VAX CARD, BINABARGAIN NA LANG

NAPAG-UUSAPAN na rin lang ang pamemeke, may ilan pa rin palang naglalakas loob na gumawa at magbenta ng pekeng vaccination card pero hindi tulad ng dati na naibebenta nila sa halagang mula P500 hanggang P1,000, ngayon ay P100 hanggang P300 ang pinakamataas ang alok ng mga engot.

Sa area raw ng Quiapo pasimpleng inaalok sa mga pedestrian ang pekeng vax card pero kahit bargain ang halaga, matumal at halos wala ng pumapatol na bumili ng pekeng card dahil maluwag na rin ang kilos ng mga tao ng ibaba sa Alert Level 2 ang Metro Manila.

Kung sabagay, may mga tanggapan pa kasi ng pamahalaan at mga supermarket ang hindi nagpapapasok ng mga taong walang maipakikitang vax card kaya’t kahit papaano ay may kumakagat pa rin sa mga iniaalok na pekeng card.

Noon kasing nakaraang buwan sa kasagsagan ng pananalasa ng Omicron variant ng COVID-19, sunod-sunod ang ginawang pag-aresto ng kapulisan sa mga gumagawa at nagbebenta ng pekeng vax card kaya natakot na rin ang mga tumatangkilik nito dahil may katapat ding multa at parusa ang mahuhuling gumagamit ng pekeng vax card.

Eh bakit pa nga ba bibili ng pekeng vax card gayung libre naman ang magpabakuna at dagdag proteksiyon din ito sa sarili laban sa nakamamatay na sakit?

86 NA TECH-VOC GRADUATES, HANDA NG SUMABAK SA TRABAHO

HANDA ng makipagsapalaran ang 86 na estudyanteng nagtapos ng kursong bokasyunal sa Navotas Vocational Training and Assessment (NAVOTAAS) Institute matapos sanayin sa larangan ng iba’t-ibang uri ng paggawa.

Sa 86 na mga estudyante, 17 sa kanila ang tumanggap na ng national certification o NC II bilang mahusay na mekaniko, 16 ang mga sinanay bilang electrical installation at maintenance, 35 ang nagtapos sa kultura at pagsasalita ng Japanese language at 18 ang nakatanggap ng NC II bilang mga massage therapist.

Ayon kay Mayor Toby Tiangco, ang libreng pagsasanay para sa mga Navoteños sa iba’t-ibang larangang teknikal na bokasyunal ay magbubukas ng oportunidad na pangkabuhayan kaya’t umaasa sila na marami pang mamamayan ng lungsod ang lalahok sa programa.

Sabi naman ni Cong. John Rey Tiangco, may apat na training centers ang pamahalaang lokal ng Navotas, hindi lamang sa mga Navoteños, kundi maging sa mga naninirahan sa labas ng lungsod na nais sumailalim sa pagsasanay. Gayunman, bagama’t libre ang pag-aaral ng mga residente sa Navotas, ang mga nais namang mag-enroll na hindi taga-lungsod ay kailangang kumuha ng may bayad na pagsusulit na dependa ang halaga sa nais nilang kukuning kurso.

Sa ngayon, tumatanggap na ang NAVOTAAS Institute ng mga nagnanais mag-aral ng iba’t-ibang kasanayan na may kaugnayan sa kursong pang-bokasyunal.

Ayon kay Congressman Tiangco, matindi ang kompetisyon ngayon sa iba’t-ibang larangan o industriya at ang tanging susi upang makahigit sa iba ay ang patuloy na pagiging bihasa sa larangan para masigurong handa sa pagharap sa anumang hamon ng mga uri ng trabaho na kanilang pinangarap.

Bukod sa libreng pagsasanay, may matatanggap ding allowance at kagamitan sa pagsasanay ang mga estudyante ng NAVOTAAS Institute ilalim ng Training for Work Scholarship Program (TWSP) at Special Training for Employment Program na pinondohan ng pambansang pamahalaan sa tulong ng tanggapan ni Cong. Tiangco.

AUTHOR PROFILE