Default Thumbnail

Pamilya ng pinatay na 4 obrero sumisigaw ng hustisya

October 15, 2023 Steve A. Gosuico 230 views

PEŇARANDA, Nueva Ecija–Sumisigaw ng hustisya ang pamilya ng apat na pinatay na obrero sa Heneral Tinio, Nueva Ecija noong Oktubre 9.

Kinilala ang mga pinatay na sina Melvin Gonzales, 27; Jay-ar Quizon, 37; Reynaldo Quizon, 38; at Joseph Valdivicio, 38.

Sugatan din sa ambush si Jessie Baldivicio, 31, ng Sitio Sibug, Bgy. Rio Chico.

Base sa post ng kapamilya nina Jay-ar at Reynaldo sa kanilang social media account, dating tour guide at bangkero sa Minalungao National Park ang kanyang kapatid at bayaw pero nawalan sila ng trabaho nang ipasara ito.

Dahil walang trabaho, napasok ang dalawa sa pagkakahoy pero natigil din dahil ipinagbabawal na ang pagkakahoy sa lalawigan.

Dahil sa kahirapan, nauwi ang dalawa sa pamumulot ng patay at itinatapong baboy sa piggery.

Humihingi ang pamilya ng tulong sa kung sino man ang nakasaksi sa insidente na magbigay ng impormasyon sa mga awtoridad.

Ayon kay Major Roderick Corpuz, hepe ng pulisya, pinatay ang apat malapit sa E and C poultry farm sa Bgy. Callos dakong 8:45 ng gabi.

Narekober ng mga pulis ang 10 basyo ng bala ng cal. 45 sa lugar.

Ayon sa mga pulis, bandang alas-7:00 ng gabi noong nakaraang Lunes pauwi na ang mga biktima sakay ng kolong-kolong galing sa piggery nang harangin at pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang lalaki na naka-bonnet.

Sinabi ni Nueva Ecija police information chief Captain Franklin Sindac na hindi nagpapabaya ang pulis tungkol sa mass murder na naganap.

“Hindi po pinababayaan ang pamilya. Kasama kami hanggang gabi ng mga pamilya kahapon,” sabi ni Sindac sa isang Viber message sa Journal Group.

“Wala pa po (motibo). Tinitingnan lahat ng anggulo sa trabaho nila o sa lupa at iba pang possible motives,” dagdag ni Sindac.

AUTHOR PROFILE