Acop

Pahayag ni dating Antipolo Congressman Romeo Acop

March 13, 2022 People's Tonight 623 views

Tagapagsalita para sa Usaping Kapayapaan at Kaayusan ni Presidential Candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson

BILANG dating chairman ng House Committee on Peace and Order, at kasalukuyang tagapagsalita ni presidentiable Ping Lacson sa larangan ng peace and order, hinahamon ko sina senatorial candidate Antonio Trillanes IV at presidential candidate Leni Robredo na lantarang ihayag sa publiko kung mayroon silang alyansa sa Makabayan Bloc.

Wala na kasing ginawa ang mga ‘kakampink’ kundi paratangan si Ping Lacson ng red-tagging, pero hindi naman nila masabi sa publiko kung may direkta silang alyansa sa Makabayan Bloc na ayon na rin sa ayaw umuwi na si Jose Maria Sison—na nasa likod ng pagkakalikha ng mapaminsalang CPP-NPA—ay kabilang sa kanilang mga front organization.

Hindi maaaring basta na lamang ipag-kibit-balikat nina Robredo at Trillanes ang bagay na ito dahil ang kapakanan ng mga Pilipino para sa mapayapang pamumuhay, lalong-lalo na ang mga nasa kanayunan, ang nalalagay sa alanganin, at bukod pa riyan, nanganganib na malagas ang ating mga pulis at kasundaluhan. Sino pa ang magtatanggol sa atin kung ganoon?

Hindi ko lubos maisip kung saan pupulutin ang gobyernong may sarili nang sandatahang lakas na nakabatay sa Saligang Batas na pumoprotekta sa Estado ay lalabas na nakikipagmabutihan din sa grupong hindi kumikilala, sumasalungat, at gustong maghari-harian sa pamahalaan.

Kaya dapat na nakalantad sa publiko ang saloobin nina Ginang Robredo at Ginoong Trillanes sa nakakabahala ngunit mahalagang bagay na ito.

Nakakalungkot din isipin na si Ping Lacson na seryosong naglalatag ng kanyang mga plataporma at mga programang mag-aahon sa mga Pinoy mula sa pagkalugmok dulot ng pandemya at pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo ay binabato pa ng kung anu-anong paninira gaya ng mga sumusunod:

1. Siya raw ang dahilan kung bakit naaantala ang pensyon ng mga Military and Uniformed Personnel. Komprontahin nila ako sa bagay na ito at ipapaliwanag ko nang buong-buo ang totoong kuwento para matauhan ang mga nagbibintang nito.

2. Siya raw ang promotor ng pagbabawal sa mga pulis na magdala ng baril kapag hindi naka-duty. Sino ba namang matinong pinuno ng mga pulis ang magbabawal sa mga tauhan na magdala ng baril kapag naka-off duty, gayung naka-duty o hindi ay obligasyon nilang tumulong sa oras ng kagipitan? Hindi po bawal magdala ng baril ang isang pulis kahit naka-off duty basta sumusunod siya sa lahat ng panuntunan para sa sitwasyong ito.

3. At higit sa lahat, naghihintay lamang daw siya na bayaran ng P500 milyon para umatras sa pagtakbo bilang presidente at manahimik na lamang. Malayong-malayo po ito sa katotohanan dahil kilala ko si Ping Lacson, mula ulo hanggang paa, bilang senior classman niya sa PMA at comptroller nang pamunuan niya ang PNP. Kaya kong magbigay ng pruweba sa bagay na ito.

Ang mga naglalabasang impormasyon na ito ay pawang mga kasinungalingan lamang at malinaw na malinaw na ginagamit lang ng mga katunggali ni Ping Lacson sa pulitika para takpan ang mga lutang na lutang na mga katangian niya bilang nababagay na lider pang-giyera sa gitna ng mga sitwasyon na kinakaharap ng bansa.

Kung tatanungin ninyo ako kung sino ang nasa isip kong maaaring nagpapakalat ng mga maling impormasyon na ito laban kay Ping Lacson, ang sagot ko ay ganito: marahil ay pareho tayo ng iniisip.

AUTHOR PROFILE