Default Thumbnail

Paglago ng ekonomiya ng bansa, unti-unti ng nararamdaman

November 22, 2023 Edd Reyes 172 views

Edd ReyesMAHIGIT isang buwan pa bago matapos ang taong 2023 pero mukhang nakikita na ang tuloy-tuloy na pag-angat ng kabuhayan at ekonomiya ng bansa sa susunod na taon dahil sa maayos at magandang pamamalakad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Sa pinakahuli kasing survey ng Social Weather Station (SWS), nagkaroon ng pagbaba ang bilang ng mga taong nagugutom, pati na rin ang kabuuang antas ng mga itinuturing nilang mahirap ang kanilang sarili sa huling bahagi ng kasalukuyang taon at ito’y dahil sa maayos at mabisang pagtugon dito ng Pangulo.

Malaki ang posibilidad na magtutuly-tuloy ang pagbaba ng pamilyang nagugutom lalu na kapag umarangkada na ang mga ipinangakong pamumuhunan ng mga negosyante sa mga bansang binisita ng Pangulo.

Nakatutok talaga si PBBM sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa dahil batid niya na mahalaga itong susi sa pagtatanggol sa karapatan natin sa mga teritoryo sa West Philippine Sea na pilit inaangkin ng China.

Sana lang, ngayong lumalala ang tensiyon sa West Philippine Sea, huwag munang haluan ng pulitika ang wastong direksiyon na tinatahak ng ating Pangulo para hindi magambala ang kanyang pagtugon sa pagpapalago ng kabuhayan at ekonomiya ng bansa.

Lalawigan ng Batangas, dinayo ng mga ilegalista

Pinutakti na rin pala ng mga pergalan ang lalawigan ng Batangas nang maglagay ng ilegal na aktibidad ang mga operator na posibleng lingid sa kaalaman ni Calabarzon Regional Police Director P/BGen. Paul Kenneth Lucas.

Inaalam na kasi ni Batangas Provincial Director P/Col. Samson Belmonte ang tunay na katauhan ng mga nagtago sa alyas na Larry, Dudz, Tessie, Jason, Glenda, Charlie, Yolly at Norma na pasimuno umano ng paglalagay ng mga mesa ng ilegal na sugal sa iba’t ibang bayan.

Kabilang sa mga nalatagan ng ilegal na aktibidad ng mga dayuhang operators ang mga bayan ng Calaca, San Antonio, San Jose, Bauan, Lipa, Malvar, Ibaan, at Rosario.

Hindi magtatagal ay tiyak na malalaman din ni Gov. Hermilando Mandanas ang pagdami ng ilegal na sugal sa kanilang lalawigan sa oras na matukoy na ni Col. Belmonte ang tunay na katauhan ng mga operators.

Pagbati sa mga nagwaging barangay official

Congratulations sa mga nagwaging barangay officials sa 18 barangay sa Navotas City na nanumpa sa kanilang tungkulin kay Mayor John Rey Tiangco nito lang Lunes ng hapon.

Bukod kay Mayor Tiangco, dumalo at bumati rin si Cong. Toby Tiangco sa mga nahalal na opisyal kasabay ng kanilang panawagan na maglingkod ng tapat sa kanilang nasasakupan.

Pinayuhan ni Mayor Tiangco ang mga opisyal na gamitin sa wastong paraan ang kanilang pondo, mag-iwan ng magandang pamana, at ituring na ka-pamilya ang kanilang nasasakupan

Nagpaalala naman ni Cong. Toby na bilang mga public servants, nararapat lamang na tumupad sa kanilang ipinangako ang mga punong barangay at maging halimbawa sa kanilang mga nasasakupan sa pagsunod sa panuntunan at mga umiiral na ordinansa.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE