Default Thumbnail

Paggamit ng BPA ipagbawal, hiling ng EcoWaste sa FDA

August 11, 2024 Cory Martinez 303 views

UMAPELA ang EcoWaste Coalition sa Food and Drug Administration (FDA) na magpatupad ng malawakang pagbabawal sa paggamit ng chemical na bisphenol A (BPA) sa lahat ng food contact materials (FCMs).

Ipinarating ng grupo ang apela kasabay ng 5th year implementation ng pagbabawal sa paggamit ng BPA sa mga feeding bottle at sippy cups.

Mga materyal ang FCM na may contact sa pagkain o inumin. Halimbawa ng FCM ang mga plastic na lalagyan, packaging, kitchen utensil, cutlery, plato at mga makinarya na ginagamit sa pagproseso ng coffee machine at drink dispenser.

Noong Agosto 9, 2019, naglabas ng FDA ng Circular No. 2019-004 na nagbabawal sa paggawa, pag-angkat at pamamahagi ng mga infant feeding bottle at sippy cups na may halong BPA, isang industrial chemical na ginagamit sa paggawa ng polycarbonate (PC) plastic.

Layunin ng kautusan na mabawasan ang exposure ng mga sanggol at bata sa BPA at maprotektahan ang kanilang kalusugan.

Ayon sa grupo, ang BPA, na isang hazardous chemical, maaaring sumipsip mula sa PC plastic lalo na kung nadarang ito sa init, araw at acidity at papasok sa mga pagkain o inumin sa mga lalagyan na may BPA.

Iniuugnay ang BPA exposure sa pagkakaroon ng hormonal imbalance allergic reactions, respiratory irritation, fertility damage, type-2 diabetes, obesity, high blood pressure, cardiovascular at behavioral problems.

Samantala, upang matulungan ang mga mamimili sa pagpili ng mga produktong ligtas sa BPA, hiniling ng grupo sa FDA na maglabas ng masterlist na may litrato ng mga duly authorized baby feeding bottle at sippy cup na nagkukumpirmang BPA-free.

Ayon pa sa EcoWaste, dapat na rin ipagbawal ng FDA ang paggamit ng BPA sa mga FCM kabilang na ang plastic at coated packaging para maresolba ang paggamit pa ng ibang bisphenol sa FCM at upang maiwasan ang pagpalit sa BPA ng katulad ng mapaminsalang kemikal.

Sa ulat ng Food Watch, sumang-ayon ang mga European Union (EU) member states noong Hunyo 12, 2024 sa panukala ng European Commission na ipagbawal ang paggamit ng BPA at iba pang bisphenol sa FCM.

Magiging batas ang panukala kapag sinang-ayunan ng European Parliament and Council.

AUTHOR PROFILE