Default Thumbnail

Pagdaong ng Silver Spirit cruise ship ikinagalak ni Mayor Honey

February 21, 2023 Edd Reyes 216 views

NAGPAHAYAG ng kasiyahan si Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan sa muling pagdaong ng internasyonal na cruise ship na “Silver Spirit” noong nakaraang Linggo sa Manila South Harbor makaraan ang halos tatlong taong pagpapahinga bunga ng pandemiya.

Ayon sa alkalde, ito ay isa lamang senyales na bukas na ang bansa na tumanggap ng lahat ng mga nagnanais dumalaw at makitang muli ang kagandahan ng Pilipinas.

“Malaki po ang maitutulong niyan, hindi lamang sa turismo sa ating bansa, bagkus lalo na sa turismo sa ating lungsod,” pahayag ni Mayor Lacuna-Pangan.

Sabi ng alkalde, maigting ang kanilang ginagawang pagsisikap upang magtagal sa Maynila ang mga turistang pasahero ng dumadaong na cruise ship at hindi na gawing “stop over” ang lungsod para makarating sa ibang lugar sa bansa.

“Stop over lang pagdating, tapos pupunta na sa ibang lugar, pupunta sa Boracay, pupunta na sa Palawan, pupunta na sa Vigan. Magtagal naman sila dito sa ating lungsod at madalaw nilang muli ang magagandang lugar dito, hindi lang nakatuon sa Luneta, Intramuros, at Binondo, kung hindi mapasyalan din nila ang mga dapat na madiskubreng lugar kagaya ng Tondo, ng Sampaloc, ng Ermita, Malate, napakarami tayong magagandang lugar dito sa Maynila,” sabi pa ng alkalde.

Nanawagan din ang alkalde sa mamamayan na panatilihing maayos at malinis ang kapaligiran upang sa paglibot nila sa lungsod ay makita kaagad nila ang napakalaking ipinagbago ng Maynila na ngayon ay napakalinis, malayo sa disgrasya at may ipinatutupad na kaayusan at kapayapaan.

“Kaya pagdating niyo sa inyong mga tahanan, simulan po natin sa ating paligid, mayroon po tayong ordinansa, ang ‘tapat ko-linis ko.’ Pagdating po natin sa ating komunidad, sana ay mahikayat natin, hindi lamang ang ating pamilya, kundi mga kapitbahay. Simulan po natin sa pagpulot na ating makikita sa ating paligid. Maging magandang ehemplo po tayo sa ating mga anak at mga kabataan. Ito man lamang po ay maitulong natin nang sa gayon, lalong maging masigla ang turismo dito sa ating lungsod,” pakiusap pa ng alkalde.

Nauna ng sinalubong nina Mayor Honey Lacuna-Pangan at Tourism Secretary Christina Frasco noong Miyerkules, Pebrero 15, ang dumaong na international cruise ship na Silver Spirit sa Eva Macapagal Super Terminal sa Manila South Harbor, lulan ang mahigit 500 turista na pinasaya ng mga sumalubong ding mga mang-aawit at mga musikero.

AUTHOR PROFILE