Default Thumbnail

Pagdami ng teenage pregnancies, kaso ng HIV pinaiimbestigahan ni Gatchalian

September 3, 2022 Marlon Purification 551 views

Marlon PurificationNAGHAIN si Senador Win Gatchalian ng isang resolusyon upang masuri ng Senado ang paglobo ng mga kaso ng maagang pagbubuntis at Human Immunodeficiency Virus (HIV) infections sa mga kabataan.

Ayon sa United Nations Population Fund (UNFPA), ang maagang pagbubuntis ay dulot ng kawalan o kakulangan ng access sa impormasyon at reproductive health care.

Ayon pa sa UNFPA, madalas hindi nakakatapos ng high school ang mga kabataang nabuntis bago ang edad na labing-walo.

Sa Proposed Senate Resolution No. 13, binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagrepaso sa polisiya ng Comprehensive Sexuality Education (CSE) at malaman kung epektibo ang pagpapatupad nito.

Maliban sa pagpigil sa pagdami ng mga kaso ng teenage pregnancy at HIV infections, binigyang diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng paggabay sa mga mag-aaral tungo sa kasarinlan at pagiging produktibong mga kasapi ng lipunan.

Pinuna ni Gatchalian na simula 2010, ang average share o bahagi ng mga teenage pregnancy sa kabuuang bilang ng mga pagbubuntis ay umakyat sa 28 porsyento. Mula 2000-2009, ang naitalang bilang ay nasa 21.5 porsyento.

Resulta din ng kawalan ng kaalaman ang paglobo ng mga kaso ng HIV, lalo na’t nagiging dulot ito ng pakikipagtalik ng walang contraceptives.

Mula 1984 hanggang Marso 2019, nasa 65,463 na ang mga kaso ng HIV, 31 porsyento rito ay mga kalalakihang may edad 15 hanggang 24 na nag-aaral pa.

Bagama’t nagpalabas na ang Department of Education ng Department Order (D.O.) No. 31 s. 2018 upang gabayan ang pagpapatupad ng CSE, pinuna ng UNFPA ang natagalang integration nito sa K to 12 curriculum. Dagdag ng naturang ahensya, nasayang ang oportunidad na mabigyan ang mga kabataan ng life skills na gumawa ng wastong mga desisyon na may kinalaman sa kanilang kalusugan.

“Sa kabila ng pag-akyat ng bilang ng mga kaso ng maagang pagbubuntis at HIV infections sa bansa, nais nating tiyakin na magiging epektibo ang edukasyon upang mapigilan ang patuloy na pagdami ng mga ito. Dapat itaguyod natin ang kapakanan at kaligtasan ng ating mga kabataan upang maabot nila ang kanilang potensyal bilang mga kasapi ng ating lipunan,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.

Sa ganang akin, napapanahon ang panukalang ito ni Gatchalian. Matagal nang problema ang teenage pregnancy at pagdami ng HIV cases sa bansa.

Sa usapin ng maagang pagbubuntis ay maraming dapat isaalang-alan na aspeto upang matumbok ang ugat ng problemang ito.

Totoong kakulangan sa edukasyon ang isa sa dahilan kung bakit patuloy na tumataas ang bilang ng mga kabataaang nabubuntis.

Isa rin sa aspetong ito ay ang kahirapan. Iyong kakulangan ng tamang gabay ng ilang magulang na abala sa paghahanap-buhay.

Isa rin sa nakikita nating dahilan ay ang impluwensiya ng social media.

Kalakip din sa anggulong ito ang problema rin sa HIV cases sa bansa.

Kung tunay na magiging sinsero at seryoso ang pamahalaan para matugunan ang dalawang uti ng problemang ito, naniniwala tayong darating ang panahon ay maiiwasan ang mga ganitong uri ng suliranin na talaga namang tumatagos na sa problemang panlipunan.