Department of Agriculture

Pag-angkat ng frozen na isda aprub na sa DA

August 17, 2023 Zaida I. Delos Reyes 202 views

INAPRUBAHAN na ng Department of Agriculture ang pag-aangkat ng frozen fish varieties para sa palengke sa huling tatlong buwan ng 2023.

Sa inilabas na Memorandum circular ng DA, aabot sa 35,000 metric tons ng frozen fish ang aangkatin ng bansa mula October 1 hanggang December 31, 2023.

Kabilang sa mga isdang aangkatin ang galunggong, bideye scad, mackerel, bonito at moonfish.

Sa nasabing volume ng aangkatin, 80% ang ilalaan sa mga rehistradong importers na kasama sa commercial fishing sector habang ang natitirang 20% ay mapupunta sa fisheries associations o kooperatiba.

Sa nasabing memorandum, tanging mga importers lamang na rehistrado sa Philippine Fisheries Development Authority o PFDA ang papayagang mag-import at dapat ay mayroon ang mga ito ng cold storage facility lease agreement bago maisyuhan ng sanitary at phytosanitary import clearance.

Sisimulan ang pag-iisyu ng unang tranche ng import clearances mula October 1-30 at ilalabas mula November 6 hanggang 30 ang ikalawang trance.

Layunin ng importasyon ang madagdagan ang suplay ng isda dahil sa closed fishing season.

Nagpapatupad kasi ang pamahalaan ng tatlong buwan na closed fishing season kada taon upang mapangalagaan ang iba’t ibang species ng isda sa bansa.

Kaugnay nito, hinimok naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang mga importers na agad na ikalakal ang mga inangkat na isda upang hindi makaapekto sa mga isdang huli ng lokal na mangingisda sa bansa.