Padilla

Padilla di magpapanggap na ‘Webster’

July 29, 2022 PS Jun M. Sarmiento 382 views

Sens. Robin Hood, Raffy Tulfo magta-Tagalog sa Senado

WALANG balak si Senador Robinhood Padilla na magpanggap bilang “Webster” at makipag-sabayan ng “Englisan” sa kapuwa senador sa Senado, bagkus ay mas nanaisin umano niyang gamitin ang wikang Tagalog na kaniyang nakasanayan.

Sa isang panayam ay inamin ni Padilla na madalas ay kailangan pa niyang hanapin ang malalalim na salitang English na hindi niya alam ang kahulugan at ito aniya ay hindi niya ikahihiya kaninuman.

Si Padilla, na kilalang Bad Boy of Philippine cinema, ay nagsabi rin na mas gusto niyang naiintindihan siya ng taumbayan na siyang nagluklok sa kanya sa poder bilang senador sapagkat sila umano ang dahilan kung bakit ninais niyang makapasok sa Senado bilang mambabatas.

“Opo, hindi na ako magpapanggap. Mahirap magpapanggap kang si Webster,” ani Padilla sabay pabirong sinabi na napakaraming mga kasama niyang magagaling talagang mag-English at sadyang dumudugo ang kaniyang ilong sa pakikinig sa kanila.

Besides, he noted that while senators converse in Tagalog in the senators’ lounge, they sound like “Americans” once in the plenary.

Nauna rito ay nagmungkahi din si Padilla na gawing Tagalog at English ang iba’t ibang komunikasyon ng mga opisyales at dokumento sa gobyerno.

Inamin din ni Padilla na patuloy ang kanyang pagaaral at sinabi nito na nagpapaturo siya ng mga tamang gawain bilang senador na maliwanag niyang masasabi sa taumbayan.

Gayunman, naniniwala rin si Padilla na dapat aniya suportahan ang pangulo na pag-igihan ng mga mag-aaral ang wikang English na siyang global language para makasabay ang mga Filipino sa daloy ng panahon at sa hamon ng pagbabago gamit ang wikang banyaga.

Gayundin, si Senador Raffy Tulfo ay nagsabing mas nanaisin niya ang debatehan sa Senado na gawing Tagalog para sa kapakanan ng kanyang mga viewers at subscribers.

Ayon sa dating TV anchor, hindi naman aniya problema sa kanya kung English o Tagalog ang gagamitin, ngunit mas nanaisin aniya ang maintindihan siya ng nakararaming kababayan kung saan ay Tagalog ang karamihan sa mga ito.

“Bakit ako mag i English spokening kung hindi naman maiintindihan ng mga nagluklok sa atin. Binoto nila ako para maintindihan nila anong nangyayari. Mas gusto natin mag Tagalog,” iginiit ni Tulfo.