Default Thumbnail

Paano naman ang mga CAFGU?

March 2, 2023 Paul M. Gutierrez 878 views

PaulMAY natanggap tayong ‘love letter’ mula sa mga CAFGU (Civilian Auxiliary Force Geographical Unit), na dati ring tinatawag na CHDF (Civilian Home Defense Force).

Ang mga CAFGU ang ‘frontline unit’ ng pamahalaan sa agarang pagtatanggol sa kanilang mga lokal na komunidad sakaling biglang sumalakay ang mga armadong kalaban ng pamahalaan, partikular na ang New People’s Army (NPA).

Karamihan sa kanila ay mga ordinaryong mamamayan—magsasaka, mangingisda, mga nagkokopra, manggagawang bukid—pero handa ring lumaban para mabigyan ng proteksyon at kapayapaan ang kanilang pamilya at pamayanan.

Noong malimit pa tayong “mamasyal” sa mga kampo ng militar (at NPA) upang kumuha ng mga balita, nakakasama at nakakakuwentuhan ko sila — ang biyenan pa nga ng aking kapatid na lalaki ay miyembro ng CAFGU sa Guinayangan, Quezon.

Oops! Matapos “lumikas” mula sa Kalayaan, Laguna, ang CPP Information Bureau sa ilalim ni Gregorio ‘Ka Roger’ Rosal, lumipat naman siya dito sa lugar ng Guinayangan/Tagkawayan kung saan madalas ko siyang “pasyalan,” tama ba, NSA Ed Año, hehehe!

‘Yun nga lang, kahit CAFGU ang ‘frontliner,’ sa paglaban sa terorismo, malinaw ang “diskriminasyon” sa kanila ng gobyerno– at kahit nang militar– kung mga benepisyo rin lang ang pag-uusapan, araguy!

Hmm. Hindi kaya dahil totoong “humina” na ang pwersa ng CPP-NPA at kaya nang “pulbusin” ng mga sundalo at pulis kaya mistulang nakalimutan, ehek, nakaligtaan na ng AFP ang sitwasyon naman ng mga CAFGU?

Teka, mga bosing “tao” po ang mga CAFGU at hindi “basahan” na dahil wala nang pakinabang ay ibabalewala na lang, tumpak!

Sa natanggap nating impormasyon, aba’y P4,500 lang pala, mahal na PBBM at DND chief, Carlito Galvez, ang “monthly allowance” ng mga CAFGU—malaki pa ang “tip” na ibinibigay sa GRO ng mga korap na opisyal na mahilig sa goodtime sa mga beerhouse at night clubs, every night!

Ayon naman sa napanood kong short video sa YouTube, pumapatak lang sa P150 “per day” ang tinatanggap ng mga CAFGU.

At harinawang “matino” ang kanilang ‘BatComm’ (Battalion Commander dahil kung “ogags” at kasabwat ang ‘FO’ (finance officer) malamang na “maibulsa” pa ang kakarampot nilang “ayuda” mula sa gobyerno.

Anila pa, “mabuti” naman daw at sa panahon ni PDU30, binigyan sila ng ‘FS’ (financial support) na halagang P2,000 kada buwan, halaga na sadyang kapos pa rin dahil buhay nga nila ang kapalit.

Ang pangamba nila ngayon, CGPA Lt. General Romeo Brawner sir? Eh, dahil nagpalit na ng administrasyon, “baka” (daw) matanggal pa itong P2K mula kay PDU30? Huwag naman sana!

Sa ganang atin, may isang mabilis na paraan upang matulungan ang gipit na kalagayan ng mga CAFGU.

Sa katotohanan na sila naman talaga ay kasama sa hanay ng ‘poorest of the poor,’ bakit hindi sila isama sa ‘SAP’ (Social Amelioration Program) ng gobyerno at sa iba pang magagandang programa ng DSWD na sinimulan ni Sec. Erwin Tulfo katulad ng AICS (assistance to individuals in crisis situation)? Hindi rin ba sila puwedeng bigyan ng dagdag na kaalaman at formal education habang nasa serbisyo?

Yes, matagal na sa “imbentaryo” ng suporta ng DSWD itong AICS pero napakinabangan lang ng husto sa termino ni Sec. Erwin.

Muli, harinawang umaksyon naman ang gobyerno at AFP sa sitwasyon ng mga CAFGU. That would be the day, wika nga!

Abangan!

AUTHOR PROFILE