Vic Reyes

Paano ang mga batang nag-aaral kung bigas na ang ibibigay ?

February 14, 2024 Vic Reyes 123 views

HANGGANG ngayon ay problema pa rin natin ang presensya ng mga ipinagbabawal na gamot sa iba’t-ibang parte ng Pilipinas.

Kahit na napasara na ng mga otoridad ang mga laboratoryo ng illegal drugs sa bansa ay nandiyan pa rin ang “drug menace.”

Ayon nga sa mga balita, nanggagaling sa labas ng bansa ang bulto ng suplay ng shabu, cocaine at iba pang dangerous drugs.

Talagang imposibleng mabantayan ng mga otoridad ang lahat ng isla sa bansa para mapigilan ang drug smuggling.

Wala tayong kapasidad para magawa ito. Kulang na kulang tayo ng manpower, financial at material resources, kagaya ng patrol boats.

Ang ibang illegal drugs ay sinusubukang palusutin sa ports of entry na bantay sarado ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC).

Ito ay sa pamamagitan ng tinatawag na technical smuggling.

Dadaan sa butas ng karayom ang mga drogang ito dahil “highly-trained” ang mga taga-BOC sa pagtuklas ng mga kontrabando.

Nandiyan ang mga x-ray scanning machine ng BOC at K9 sniffing dogs ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ang PDEA, ang law enforcement arm ng Dangerous Drugs Board (DDB), ay malaking tulong sa BOC sa pagsawata sa pagpasok ng mga droga sa bansa.

Mabibisto ng BOC ang mga droga at iba pang kontrabado na nakatago sa mga parating na shipment.

‘Yan ang nangyari sa isang kargemento na dumating sa Port of Clark sa Pampanga mula sa New York, Estados Unidos.

Ang shipment ay naglalaman pala ng high-grade marijuana o kush at pouches of cannabis-infused Gummy candies.

Ang kontrabando, na kinumpiska na ng BOC, ay nagkakahalaga ng mahigit P88,000. Ang shipment ay deklaradong naglalaman ng “sneakers.”

Pinuri ni Port of Clark District Collector Erastus Sandino B. Austria ang kanyang mga tauhan dahil sa kanilang magandang ginagawa.

Sinabi ni Collector Austria na ang “BOC remains committed to curbing the entry of illegal drugs into the country.”

***

Pinag-aaralan ngayon ang panukala na magbigay na lang ng bigas sa halip na pera sa mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ang problema lang eh paano na ‘yong mga batang tinutulungan ng gobyernbo sa pamamagitan ng 4Ps program?

Bigas din ba ang ibibigay sa mga batang nag-aaral?

Sa totoo lang, marami na ang mga batang benepisaryo ng 4Ps ang nakatapos na ng pag-aaral at may mga trabaho.

Sana pag-aralang mabuti ang panukala na bigas na lang ang ibigay sa mga mahihirap na benepisaryo ng 4Ps.

Okay naman ito, pero paano na nga ba ang mga bata na nag-aaral?

***

Hindi lang pagbabaha ang problema ng mga taong nakatira sa urban areas, na katulad ng Metro Manila.

Nandiyan pa ang “crippling traffic congestion” na sakit ng ulo ng mga otyoridad, motorista at mananakay.

Malaking perhuwisyo ang traffic snarls sa mga pangunahing lansangan sa mga matataong lugar sa ating bansa.

Ang tanging nakikita nating solusyon dito ay ang pag-kontrol sa pagpasok ng mga sasakyan sa isang lugar.

Ito ang short-time solusyon sa problema. Ang long-time solusyon ay ang unti-unting paglipat ng ibang bahay-kalakal , paaralan at ospital sa kanayunan.

Kailangang mapigilan ang pagpunta ng mga taga-probinsiya sa mga syudad at malalaking bayan.

Kung hindi ay baka lalala pa ang traffic congestion sa mga matataong lugar.

Tama ba kami, Pangulong Marcos?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE