
P30M Kush naharang sa pantalan
NASAMSAM ang halos P30 milyong halaga ng Kush o high marijuana derivative sa loob ng Manila International Container Port sa Tondo, Manila noong Biyernes, ayon Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Bandang alas-3:15 ng hapon nadiskubre ang 43 piraso at halos 30 kilo ng Kush na may halagang P29,246,000 at isang jar na may lamang 679 gramo ng marijuana oil na nagkakahalaga ng P40,740, ayon kay PDEA Director General Isagani Nerez.
Ayon sa ulat ng PDEA National Capital Region, nakuha ang mga kontrabando sa Designated Examination Area ng MICP Container Facility Station 3 na itinago sa dalawang ‘balik-bayan boxes’ mula sa Canada.
Habang sumasailalim sa x-ray examination ng Bureau of Customs, napuna ng inspector ang mga kahina-hinalang bagay sa loob kaya tinawag niya ang mga kinauukulan kabilang na ang mga miyembro ng PDEA-NCR.
Sumailalim sa K9 inspeksyon ang kontrabando na nagbunga ng isang positibong indikasyon ng pagkakaroon ng mga mapanganib na droga.
Sa pagbukas ng nasabing mga kahon, nakita ng mga awtoridad ang hinihinalang marijuana (kush) na selyado sa mga plastic bag.
Ang shipper, receiver at forwarding na kumpanya na sangkot isasailalim sa imbestigasyon at maaaring sampahan ng naaangkop na mga kaso sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang mga nakumpiskang droga isusumite sa PDEA Laboratory Service para sa laboratory examination.
Nagbabala si PDEA-NCR Director Emerson Rosales sa publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pag-angkat ng iligal na droga sa bansa.