Abalos

Online child abuse bawal aregluhin sa bgy — Abalos

June 5, 2024 Chona Yu 115 views

BINALAAN ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang mga barangay officials na huwag aregluhin sa kanilang lebel ang mga kaso ng Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM).

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Abalos na dapat na iakyat ang kaso sa pulis o sa law enforcement.

Paniniguro ni Abalos, mahaharap sa kaso ang mga barangay officials na makikipag-areglo at nagpabaya sa kaso ng habang buhay na pagkabilanggo at multa ng hindi bababa sa P2 milyon.

Mahigpit aniya ang utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na labanan ang lahat ng uri ng pang-aabuso sa mga bata at pinagagamit ng mga makabagong teknolohiya na nakatutok sa cybercrime mechanisms.

Inatasan din aniya ni Pangulong Marcos ang Philippine National Police at lahat ng ahensya ng gobyerno na habulin ang mga salarin na nang-aabuso sa mga bata.

Aminado si Abalos na may mga kaso ng pang-aabuso sa mga bata ang hindi na umaakyat sa mga awtoridad dahil inaareglo sa barangay o hindi kaya ng mga mismong kamag-anak ng biktima.

Sa talaan ng DILG mula 2018 hanggang 2024, nasa 214 na kaso ang naiulat na OSAEC, 98 ang ginawang operasyon, 413 na bata ang na-rescue, 38 na mga salarin ang convicted at 88 ang naaresto.

AUTHOR PROFILE